Matapos ang sinubaybayan kuwento ng baby switching sa Rizal, nakatanggap muli ng impormasyon ang programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" tungkol sa umano'y mga sanggol na nagkapalit. Ngunit sa pagkakataong ito, ang mga bata na sinasabing nagkapalit, parehong patay na.
Sa nakaraang episode ng "KMJS" nitong Linggo, sinabing nagmula ang natanggap nilang impormasyon mula sa Tagum, Davao del Norte.
Nito raw Pebrero 27 nang manganak ang first time mom na si Angelie. Pero nang iluwal niya ang sanggol, hindi raw ito umiyak.
Inilipat nila ang sanggol sa mas malaking ospital para ilagay sa intensive care unit. Pero isang araw makalipas isilang, tuluyang pumanaw ang sanggol.
Gayunman, hindi kaagad nakuha nina Angelie ang katawan ng sanggol dahil kailangan daw muna itong ipa-swab test upang matiyak na walang COVID-19 ang bata na dinala sa morgue.
Lumipas pa ang ilang araw ay hindi pa rin nila nakukuha ang bangkay ng sanggol hanggang sa malaman nila sa isang tauhan ng ospital na nagkaroon ng pagkakapalit sa mga namatay na sanggol.
At ang sanggol ni Angelie, naibigay sa isang ina na namatayan din ng anak at dinala sa Laak, Daveo de Oro.
Papaano nangyari na maging ang mga bangkay ng mga sanggol ay nagawang maipagpalit at ano ang posibleng pananagutan dito ng ospital? Maibalik pa kaya kay Angelie ang kaniyang pumanaw na anak?
Panoorin ang video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News