Ang Diyos ay hindi kailanman tumingin sa ating mga kasalanan, kung hindi sa ating pagsisisi at magbago (Mateo 9:9-13).
Nakahanda ka bang tanggapin at papasukin sa iyong tahanan ang isang dating bilanggo na nagbagong-buhay na at nagbalik-loob sa Diyos?
Sa ating Mabuting Balita (Mateo 9:9-13) tinawag ni Hesus ang "tax collector" o maniningil ng buwis na nagngangalang Mateo na nakaupo sa kaniyang tanggapan.
Si Mateo ay kinamumuhian ng kaniyang mga kapuwa Judio dahil kasabwat siya ng Emperyong Romano sa pagpapahirap sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng paniningil ng buwis.
Ang lalo pang nadagdagan ang galit ng mga Judio kay Mateo dahil sa sobrang laki ng patong niya sa kinokolekta niyang buwis sa kaniyang kapwa.
Kaya si Mateo ay namumuhay sa kasalanan. Una, ang pagtataksil niya sa kaniyang mga kababayan dahil sa pakikipagsabwatan niya sa gobyernong Romano; At pangalawa ang pagkamal ng pera sa maling paraan sa pamamagitan ng paniningil ng sobra-sobrang buwis.
Subalit si Mateo ay tinawag ni Hesus nang mapadaan ang Panginoon sa kaniyang tanggapan at sinabi sa kaniya na: "Sumunod ka sa akin." Tumayo naman si Mateo at iniwan ang lahat at sumunod kay Kristo (Mateo 9:9).
Anoman ang mga naging pagkakamali ni Mateo sa buhay at gaano man kalaki ang kaniyang naging kasalanan, lahat nang ito ay binago at nilinis ni Hesus at buong puso Niyang tinanggap si Mateo.
Sapagkat gaano man kapula ang ating mga kasalanan, ito ay kayang paputiin ng Diyos na tulad ng yelo o bulak (Isaias 1:18).
Hindi kailanman tumitingin ang Panginoong Hesus sa mga nagawa nating kasalanan sa buhay. Ang higit na pinahahalagahan ni Hesus ay ang ating puso at kababaang-loob na pagsisisi sa lahat ng ating mga pagkakasala.
Hindi niya tinitingnan kung ilan beses tayong nadapa. Dahil ang tinitingnan ni Kristo ay kung ilan beses tayong bumangon mula sa ating pagkakalugmok sa kasalanan at tuluyang pagbabalik-loob sa Diyos.
Ang anomang nasira at nawasak sa ating pagkatao dulot ng kasalanan ay muling binubuo ng Panginoong Hesus. Ibinabalik niya ang mga bagay na nawala at nasira sa atin sapagkat nais Niyang ibalik ang dati nating buhay.
Bagama't may ilan na ang tingin sa mga makasalanan ay wala nang pag-asa sa buhay, mga salot at walang kuwentang tao, pero hindi ganito ang pagtingin ni Hesus.
Sinabi Niya sa mga Pariseo na, "Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit, kundi ang maysakit". (Mateo 9:12).
Kung nakita mo ang isang tao na nakadapa na, sisipain mo pa ba siya? Hindi ba't ang marapat nating gawin ay tulungan siyang makabangon?
Ganito ang ginagawa ni Hesus sa mga makasalanan. Hindi Niya sila kinokondena tulad ng mga Pariseo sa Pagbasa (Mateo 9:11). Kundi sila ay Kaniyang ibinabangon at inaakay patungo sa tamang direksiyon ng buhay.
Panalangin: Panginoon, maraming salamat po at binigyan Niyo po kami ng pagkakataon na makabangon mula sa aming mga naging kasalanan. Nawa'y akayin Mo po kami patungo sa tamang direksiyon upang huwag na kaming maligaw ng landas.
--FRJ, GMA News