Ang ating katawan at buhay ay tahanan ng ating Panginoong Diyos (Juan 2:13-25).
ANG ating katawang lupa at buhay ay tahanan ng ating Panginoong Diyos kaya tayo ay laging pinapaalalahanan na layuan natin ang lahat ng uri ng kasalanan.
Sa Mabuting Balita (Juan 2:13-25) mababasa natin na pinagtabuyan ni Hesus sa Templo ang mga nagtitinda ng baka, tupa at kalapati at ang mga namamalit ng salapi.
Pinagsabihan Niya ang mga ito na alisin nila sa Templo ang kanilang mga kalakal at huwag nilang gawing bahay-kalakal o palengke ang tahanan ng Kaniyang ama (Juan 2:16).
Pinahahalagahan ni Kristo ang naturang Templo bilang bahay ng Kaniyang Ama sa Langit. Kaya dapat nating tandaan na sa tuwing tayo ay papasok sa loob ng Simbahan, Kapilya o bahay-dalanginan ay kailangan natin itong galangin, kagaya ng pagrespeto rito ng ating Panginoong HesuKristo.
Minsan, may mga tao ang nawawalan ng paggalang sa Simbahan. Sa loob pa mismo sila naghaharutan, nagliligawan at mistulang ginawang pasyalan para sila mag-date sa halip na magdasal sila, humingi ng awa at gabay.
Nakakalimutan ng mga ganitong tao ang kahalagahan ng Simbahan o Tahanan ng Diyos sa buhay nating mga Kristiyano. Dahil ang Simbahan ang siyang dulugan o takbuhan ng mga taong nahaharap sa mabibigat na pagsubok sa buhay, mga taong naliligaw ng landas at mga taong nagpapasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.
Hindi nila magawang galangin ang Simbahan sapagkat ang sarili nila mismo na pangalawang Tahanan ng Panginoon ay hindi rin nila kayang respetuhin.
Ang kawalang galang nila sa Tahanan ng Diyos ay repleksiyon lamang kung ano ang ginagawa nila mismo sa kanilang sarili.
Kaya itinuturo sa atin ng Diyos na iwasan natin ang imoralidad tulad ng pakikiapid, paglalasing, pagkalulong sa masasamang bisyo at kahalayan sapagkat ang ating katawan ay Templo ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. (1 Corinto 6:18-20).
Ang ating buhay dito sa ibabaw ng lupa ay isang napaka-gandang regalo mula sa ating Panginoong Diyos.
Nakalulungkot isipin na may ilan sa atin ang hindi nagpapahalaga sa kanilang buhay. May iba na sila mismo ang kumikitil sa kanilang sariling buhay. Hindi nila binibigyan ng halaga ang kanilang sarili.
Kaya sa tuwing lalapastangin natin ang ating sarili ay para na rin nating unti-unting ginigiba at winawasak ang Tahanan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
Gayunman, sa oras na mapagtanto at mapagsisihan natin ang ating mga nagawang pagkakamali sa buhay at mga kasalanan, ang buhay na ating sinira muling inaayos at itinatayo ni Hesus.
Sapagkat ang sinomang makipagkaisa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip ito ay napalitan na ng bago (2 Corinto 5:17).
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus. Nawa'y tulungan Mo po kaming ingatan ang aming buhay na isang napakagandang regalo mula po sa Inyo. Nawa'y magawa naming mamuhay ng kalugod lugod sa Iyo dahil Ikaw ay nananahan sa amin. AMEN.
--FRJ, GMA News