Sa online show na "Just IN" na nabuo noong panahon ng lockdown, virtual ang paraan ng panayam ng mga host sa kanilang guest bilang pag-iingat sa COVID-19.
Sa pinakabagong episode ng "Just IN," si Paolo Contis ang nakasalang na host at ang kaibigan at nakasama niya sa ilang proyekto na si Gio Alvarez ang guest.
Pero sa gitna ng panayam na split screen, nagpaalam si Paolo kay Gio na aalis muna sandali dahil mayroon siyang bisitang sisilipin.
Kaya naman makikita sa camera na bakante ang puwesto ni Paolo habang nasambit ni Gio na, "May bisita ka pa? Oy mayroon tayong interview."
Pero maya-maya lang, nakita na si Paolo sa puwesto ni Gio.
"Pare, okey ka ba? Okey ka lang?," tanong ni Paolo na biglang sumulpot sa likuran ni Gio.
"Meron akong interview eh," sagot naman ni Gio.
"Ah may interview ka ba? Nakakaistorbo ba 'ko," tanong pa ni Paolo.
Kasunod nito ay nagpaalam na si Paolo kay Gio dahil kailangan pa raw niyang magtrabaho at bumalik na sa kaniyang puwesto sa nabakanteng screen.
Matapos ang kanilang biruin, ipinagpatuloy ni Paolo ang panayam kay Gio at tinanong ang aktor kung ano pa ba ang mga nais niyang gawin bukod sa pagiging artista.
"Well, ang dami eh, kasi marami rin akong natutunan na gawin growing up," sabi ni Gio. "Marami na rin akong gusto at puwedeng gawin pero walang kasing-gusto sa pag-aarte at sa pagke-create ng films or shows. So I guess this the most that I really want to do... Kasi may goal talaga akong maging direktor."
Napanood si Gio sa ilang Kapuso shows, tulad ng Pepito Manaloto at Alyas Robinhood (2016). Napanood din siya noon sa Zaido: Pulis Pangkalawakan (2007) at Asian Treasures (2007).
Nagwagi rin si Gio bilang Best Supporting Actor sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2019 para sa "I'm Ellenya L.--FRJ, GMA News