Habang todo-kayod ang marami at halos hindi na matulog para lang kumita, ang isang Twitch streaming sa Amerika, tumiba ng $16,000 o halos P800,000 dahil sa ginawang pagtulog.
Ayon sa online news na businessinsider.com, sinabing kinuhanan ng video ni "Asian Andy" ng Los Angeles ang kaniyang sarili habang natutulog at nag-live stream.
Pero sa kaniyang pakulo, puwede siyang bulabugin ng mga nanonood sa kaniya sa live stream gamit ang text-to-speech recognition.
Ang bawat tunog nito at mensahe na malakas na binabasa ay katumbas ng bawat donasyon na umabot ng $16,000 sa loob lang ng magdamag.
Ang naging kapalit lang ng kaniyang kinita--puyat.
May mga viewer na nagpapatugtog, may nag-alarm clocks at may pekeng tahol ng aso para magising siya.
Namangha umano ang 26-anyos na si Andy sa pagiging mapagbigay ng kaniyang mga viewer kaya labis siyang nagpapasalamat.
Dati raw siyang driver sa isang ride-hailing firm at kumikita ng $16 sa isang oras.
Nagiging popular umano ngayon sa mga influencer ang tinatawag na "sleep stream" sa Twitch, ang livestream na ginagamit ng mga gamer at lifestylecasters. --FRJ, GMA News