Sa panahon ng COVID-19 pandemic, dumadami ang naiuulat na insidente ng nakawan. Ang isang tindahan sa Sta. Maria, Bulacan, halos araw-araw daw na nawawalan ng paninda dahil sa isang matinik na "kawatan."
Ayon kay Aling Delia na may-ari ng tindahan, minsan na rin silang naholdap at wala na raw silang nagawa nang tutukan sila ng baril ng kawatan.
Ngunit kakaiba naman ang problema nila ngayon dahil halos araw-araw silang nawawalan ng paninda na kadalasan ay mga pagkain.
Kaya naman ganoon na lang ang higpit nila sa pagbabantay kapag may taong pumapasok sa kanilang tindahan upang hindi masingitan ng kawatan.
Ngunit kahit anong bantay ang kanilang gawin, nagtatagumpay pa rin ang kawatan kaya nagpalagay na sila ng CCTV sa tindahan.
Hanggang sa isang araw, muling umatake ang kawatan at matagumpay nitong natangay ang isang bilao ng mga panindang tuyo na naka-plastik.
Dito na pinanood nina Aling Delia ang CCTV at nahuli nila sa akto kung sino ang matinik na kawatan na tumatangay ng kanilang mga paninda.
Bukod dito, natunton din nila Aling Delia saan dinadala ng kawatan ang mga ninanakaw niya sa tindahan.
Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" at alamin kung sino ang matinik na kawatan.--FRJ, GMA News