Itinuturo sa atin ni Hesus na huwag nating husgahan ang ating kapuwa base sa kalagayan ng kanilang pamumuhay (Mk. 6:1-6).
Kung minsan, hindi natin maiwasan ang naging mapanghusga kaya nagiging mababa ang pagtingin natin sa kapuwa.
Ganito ang naranasan ng ating Panginoong Hesus sa Mabuting Balita (Marcos 6:1-6) sa Kaniyang sariling bayan sa Nazaret.
Sa halip na matuwa at ikarangal nila si Kristo dahil sa Kaniyang taglay na abilidad, hinusgahan Siya ng Kaniyang mga kababayan.
Kung ang ibang balikbayan na umuwi sa bayang kinagisnan niya ay masayang sinasalubong ng kaniyang mga kababayan, iba ang naranasan ni Hesus sa pag-uwi nito sa Nazaret.
Sa halip na papuri, parangal at paghanga ang isalubong sa Kaniya, mistulang kinukuwestiyon pa Siya ng Kaniyang mga kababayan kung saan Siya kumuha ng ganoong talino para mangaral.
Si Kristo ay nagturo sa Sinagoga at maraming tao ang nakarinig sa Kaniya. Subalit ang kanilang pagkamangha ay hindi dala ng kanilang paghanga kundi pagdududa at inggit sa pagkatao ni Hesus.
Dahil pagkatapos magturo ng ating Panginoon ay nagtanungan silang lahat kung saan Niya natutunan ang Kaniyang karunungan at kung sino ang nagkaloob sa Kaniya nito.
Tila nais palabasin ng mga taong ito na walang karapatan ang isang karpinterong gaya ni Hesus na magkaroon at magtaglay ganoong talino.
Para sa kanila, kadudaduda para sa isang karpintero ang magkaroon ng ganoong karunungan. Imbis na matuwa sila na ang isang hamak na karpinterong nilalait at hinahamak nila ay nakikilala at hinahangaan.
May ibang tao talaga ang katulad sa ating Ebanghelyo-- ang mapanghusga na para bang sila lamang ang may karapatang umasenso sa buhay.
Kapag nakikita nila na umasenso o umunlad ang pamumuhay ng kanilang kapwa ay pilit naman nila itong hinahatak pababa na kung tawagin ay "crab mentality".
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na wala tayong karapatang husgahan ang ating kapuwa base lamang sa nakikita ng ating mata.
Sapagkat ang Diyos mismo na makapangyarihan sa lahat ay hindi tumitingin sa propesyon, katayuan sa buhay, dahil lahat sa Kaniya ay pantay-pantay--walang mahirap, walang mayaman. Ang tinitingnan ng ating Panginoon ay kung ano nilalaman ng puso ng tao.
Ang iba sa atin, masyadong humahanga at nadadala sa mga taong may magarang damit, kagalang- galang ang hitsura at nakakaangat sa buhay. Ngunit ang hindi nila alam ay kung ano ang nilalaman ng puso nito. Kaya ang inaakala nilang ginto ay tanso pala.
Lagi nating tatandaan na sa puso ng tao makikita kung ang tunay niyang pagkatao.
MANALANGIN TAYO: Panginoon namin, nawa'y huwag din kaming maging mapanghusga at mapanglait tulad ng mga tauhan sa Ebanghelyo. Nawa'y matularan Ka namin Panginoon na hindi tumitingim sa panlabas ng isang tao kundi sa nilalaman ng puso. AMEN.
--FRJ, GMA News