Ang presensiya ng Diyos ay makikita natin sa ating kapuwa na kinakasangkapan Niya (Mk. 8:11-13).
Isang pilosopo ang hindi naniniwala sa Diyos. Para sa kaniya: "To see is to believe." Hindi siya maniniwala hangga't hindi ito nakikita ng kaniyang mga mata.
Isang bata naman ang lumapit sa pilosopo at tinanong siya: "Nakikita niyo po ba ang hangin?"
Sagot ng pilosop: "Hindi." Sabi naman ng bata: "Eh 'di hindi rin po totoo ang hangin kasi hindi nakikita kahit pa nararamdaman."
Sa Mabuting Balita (Marcos 8:11-13), dumating ang mga Pariseo at nakipagtalo kay Hesus dahil nais nilang subukin Siya. Kaya hiniling nilang magpakita si Hesus ng himala mula sa langit.
Subalit hindi pinansin at hindi pinag-aksayahan ng panahon ng Panginoon ang paghahamon ng mga Pariseo.
Kung tutuusin, ang isang taong walang pananampalataya, kahit isang katerbang himala pa ang makita ay hindi pa rin sasapat para maniwala sila sa Diyos.
Pero sa taong may malakas na pananalig sa Diyos, hindi na kailangan pa ng himala. Batid ng taong malakas ang pananampalataya na hindi sila pinababayaan ng Panginoon sa harap ng mga pagsubok at suliranin sa buhay.
Kailangan pa bang patunayan ng Panginoon ang kaniyang sarili para lamang maniwala sa Kaniya? Sa pagmulat ng ating mga mata sa umaga at mag-inat ng ating katawan, hindi pa ba sapat para maniwala tayo na may Diyos?
Ito ay dahil binibigyan tayo ng Panginoon ng pag-asa, isang panibagong umaga at hininga para magpatuloy tayo sa agos ng buhay sa kabila ng mga krisis na nararanasan natin.
Sa panahon ng mga suliranin, may mga tao na kinakasangkapan Niya para malampasan natin ang mga problema. Kapag tayo ay nag-iisa at nakararamdam ng lungkot, may mga taong handa sa ating makinig at magpahayag ng kanilang saloobin.
Maaaring hindi nakikita ng ating mga mata ang Panginoong Diyos, subalit tandaan natin na ang Kaniyang presensiya ay nararamdaman naman natin sa pamamagitan ng mga tao na ating nakakasalamuha.
MANALANGIN TAYO: Panginoon namin. Palakasin Mo po nawa ang aming pananalig Sa'yo upang maiwaksi namin ang anumang pagdudududa at pag-aalinlangan. Sa halip ay bigyan Niyo po kami ng katatagan na magpatuloy sa aming pananampalataya Sa'yo sa kabila ng mga pagsubok. AMEN.
--FRJ, GMA News