Hindi natin kailangang magbitbit at magbaon ng marami sa ating paglalakbay sa buhay. Pagtitiwala lang sa Diyos ang dapat nating baunin (Mk. 6:7-13).
HALIMBAWANG ikaw ay maglalakbay sa isang malayong lugar at wala kang ibang dala maliban sa sarili mo; wala kang pera, wala kang damit, kahit ekstrang pagkain ay wala ka ring bitbit, ano ang gagawin mo?
Sa ating Mabuting Balita (Marcos 6:7-13), tinawag ni Hesus ang kaniyang labindalawang Alagad at isinugo Niya sila nang dala-dalawa at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu bilang bahagi ng kanilang ministeryo.
Subalit sila ay pinagbilinan ng ating Panginoon na sa kanilang paglalakbay ay huwag silang magdala ng anuman, maliban sa tungkod.
Sinabihan din sila ni Hesus na huwag silang magdadala ng pagkain, bag, pera at kahit bihisang damit ay hindi rin sila maaaring magbitbit.
Maaaring nagtataka tayo kung bakit pinagbawalan ni Kristo ang Kaniyang mga Apostol na magdala ng mga bagay na kakailanganin nila sa kanilang pagmi-misyon.
Sa ating buhay dito sa ibabaw ng mundo, minsan ang mga tinatawag na "excess baggage" o mga bagay na kinahuhumalingan natin ang nagiging dahilan para manamlay at unti-unting malanta ang ating personal na relasyon sa ating Panginoong Diyos.
Katulad sa isang halaman na hindi na naaalagaan dahil sa pagiging abala natin sa napakaraming bagay. Gaya ng pagkahumaling at pag-iimpok ng mga materyal na bagay.
Sa ating Ebanghelyo, mababasa natin na isinugo ni HesuKristo ang labindalawang Alagad para sa isang misyon na maihahalintulad natin sa isang paglalakbay sa buhay.
Subalit sa paglalakabay na ito o ang kanilang pagmimisyon ay hindi nangangailangan ng "excess baggage" o mga bagay na maaaring maging dahilan para mawala ang kanilang pokus at konsentrasyon sa isang dakilang gawain sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa Salita ng Diyos.
Hindi sila pinayagan ni Hesus na magdala ng mga kagamitan na naglalarawan sa mga "materyal na bagay" kagaya ng pera at iba pa. Dahil ang nais ituro sa kanila ng Panginoong Hesus na ang pagtitiwala nila sa Diyos ang higit nilang dapat baunin.
Isang pagtitiwala na hindi tayo pababayaan ng Diyos kaya walang dahilan upang tayo ay mag-panik at maaburido bunsod ng labis na pagkahumaling natin sa mga materyal na bagay lalong-lalo na ang salapi.
Minsan sinasabi natin na si Kristo ang ating Diyos, subalit ang hindi natin alam na ang mga materal na bagay na kinahuhumalingan at pinagkaka-abalahan natin ang ating sinasamba na parang diyos. Dahil sobra tayong nag-aalala kung mawala sa atin ang mga bagay na ito.
Nakakalimutan at napapabayaan na natin ang tunay na Diyos.
Nais ipabatid sa atin ng Pagbasa na alam ng Panginoon ang ating mga pangangailangan kaya hindi natin kailangang mag-alala sa ating kakainin, iinumin at susuotin dahil ang mga bagay na ito ay ipagkakaloob sa atin ng Diyos (Mateo 6:31).
Ang higit na pagsumikapan natin ay ang pagharian tayo ng Diyos at mamuhay ng ayon sa Kaniyang kalooban at ibibigay Niya ang lahat ng ating pangangailangan (Mateo 6:33).
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus. Turuan Mo po kaming magtiwala sa Diyos at huwag matangay ng sobrang alalahanin sa mga materyal na bagay gaya ng salapi dahil alam naming hindi Mo kami pababayaan. AMEN.
--FRJ, GMA News