Ipinaliwanag ni Department Public Works and Highway (DPWH) Secretary Mark Villar ang iba pang proyektong ginagawa ng administrasyong Duterte na inaasahang magpapaluwag sa daloy ng trapiko, tulad ng EDSA.
Marami ang nasiyahan sa pagbubukas ng Skyway 3 Project na gawa ng San Miguel Corporation na nag-uugnay sa NLEX at SLEX dahil sa bilis ng biyahe mula Balintawak, NLEX patungo sa exit na Buendia, Makati.
Sa panayam ni Willie Revillame, host ng programang "Wowowin-Tutok To Win," ikinuwento ni Villar ang ilang detalye sa paggawa ng Skyway 3, at ang naging bahagi ng DPWH sa naturang proyekto tulad ng pagresolba sa isyu ng "right of way," o mga lugar na dadaanan ng highway.
Kasabay nito, inihayag din ng kalihim ang iba pang proyektong ginagawa ngayon, at kung kailan ito inaasahang matatapos tulad ng Estrella-Pantaleon Bridge, Makati/Mandaluyong; Sta. Monica-Lawton Bridge, Bonifacio Global-Ortigas Center Road, Link Projects; NLEX-SLEX Connector, at iba pa.
Ayon kay Villar, hindi mahalaga sa administrasyon Duterte kung kanino mapupunta ang "credit" ng proyekto basta makatutulong sa mga tao at lulutas sa problema sa trapiko ay tatapusin umano nila. Panoorin.
--FRJ, GMA News