Lagi nating tingnan ang mga mabubuting bagay na ginagawa ng ating kapwa sa halip na ang silipin natin ang mga kamalian nila (Mk. 3:1-6).
Mayroong kasabihan sa wikang Inggles na: "Damn if you do it and damn if you don't," na ang kahulugan ay: "Gumawa ka man ng kabutihan o hind,i" hindi pa rin magbabago ang pagtingin sa iyo ng iyong kapwa dahil para sa kanila, masama ka pa rin.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Marcos 3:1-6) tungkol sa ginawang pagpapagaling ni Hesus sa isang lalaki sa Sinagoga na paralisado ang isang kamay.
Wala namang masama sa ginawa ng ating Panginoon. Subalit ang masama ay may ilang tao ang naroroon na inaabangan kung pagagalingin ni Hesus ang lalaking ito sa Araw ng Pamamahinga upang may maiparatang sila laban sa Kaniya.
Kahit sa ikabubuti ng lalaking ito ang gagawin ni Hesus, ito ay minamasama pa rin ng mga Pariseo dahil ang lagi lamang nilang inaabangan ay kung kailan Siya magkakamali.
Walang pakialam ang mga Pariseo kung gumagawa si Jesus ng kabutihan para sa mga tao sa pamamagitan ng Kaniyang pagtuturo. Para sa kanila ang mahalaga ay makitaan Siya ng kahit kaunting pagkakamali.
Lagi nilang binabantayan ang mga kilos at ginagawa ni Kristo dahil kinain na sila ng sobrang pagka-inggit at pagkamuhi. Ang tingin nila sa mga ginagawa ni Hesus ay salungat sa kanilang mga interes. Paniwala nila ay nasasapawan sila ni Hesus.
May mga tao na kagaya ng mga Pariseo ang tumitingin sa pagkakamali ng kanilang kapwa. Sa halip na ang tingnan ay ang mga mabubuting bagay na nagawa nito.
Kahit ginawaan tayo ng kabutihan ng ating kapwa, pilit pa rin nating sinisilip kung ano ang pagkakamali niya at bulag tayo sa mga magagandang bagay na ginawa niya para sa atin.
Pinatutunayan lamang sa Pagbasa na ang "bitterness" ay parang lason na sumisira sa isang magandang relasyon dahil ang nakikita lamang nito ay kung ano ang pangit samantalang binabalewala ang mga magagandang bagay.
Sa Ebanghelyo, puwede namang ipagpabukas ni Hesus ang panggagamot sa lalaking paralisado ang kamay dahil hindi naman siguro ito mamamatay. Subalit walang pinipiling sandali ang paghahangad ng kaayusan at kagalingan ng ating kapwa.
Hindi kailangan patagalin ang pagtitiis at paghihirap ng ating kapwa na humihingi ng ating tulong. Bakit kailangan silang paghintayin kung kaya naman itong gawin ngayon.
Ganito ang ipinakita ni Hesus sa ating Pagbasa dahil para sa Kaniya, walang paliwanag ang maaaring ibigay para sa mga taong humingi ng tulong lalo pa't kailangang lapatan agad ng lunas ang kanilang kalagayan.
Dapat pa nga sanang matuwa ang mga Pariseo dahil gagamutin ni Hesus ang karamdaman ng lalaki. Subalit hindi ganoon ang nangyari.
Dahil matapos itong gamutin ni Kristo ay agad silang nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang ipapatay si Hesus.
Inaanyayahan tayo ngayon ng Ebanghelyo na ang kailangan nating isaalang-alang ay ang kapakanan ng ating kapwa, sa halip na ang pansariling interes.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Hesus, nawa'y alisin Mo po sa aming mga puso ang bitterness tulad ng mga Pariseo sa Ebanghelyo. At sa halip ay matutunan naming magpasalamat sa mga biyaya at tulong na natatanggap namin. Nawa'y huwag namin silipin kung ano ang mali sa aming kapwa bagkos ay makita namin ang mga mabubuting bagay na ginagawa nila. AMEN.
--FRJ, GMA News