Marami ang nakapapansin sa palaboy sa Cebu City na si "Berta" dahil madalas siyang magsalita sa wikang ingles at kung minsan ay malalim ang laman ng kaniyang mga sinasabi. Sa tulong ng isang vlogger na nagmalasakit sa kaniya upang maipagamot, unti-unti na siya ngayong bumabalik sa normal. Tuklasin ang kaniyang tunay na pagkatao.

Naging laman ng lansangan sa loob ng 17 taon si Berta upang mamalimos para mayroon siyang makain. Madali naman niyang makuha ang atensiyon ng mga tao dahil hindi naman siya nananakit at mahusay pang mag-ingles.

Kung minsan, may mga binabanggit siyang salita na mula sa Bibliya o tila mga eksena sa teleserye na kinagigiliwan ng mga nakakarinig sa kaniya.

Sa pagsasaliksik ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," natuklasan na dati palang guro si Berta at sadyang mahusay sa ingles, ayon sa kaniyang kapatid na si Evangeline.

Ayon kay Evangeline, mahirap lang ang kanilang buhay pero nagawa ni Berto na makapagtapos ng kolehiyo at nakapagturo.

Nang umibig si Berta, humiwalay na raw ito sa kanila.

Dito na rin umano nalulong sa droga si Berta at kinalaunan ay iniwan ng nobyo na nagtulak sa kaniya sa bisyo.

Aminado si Evangeline na labis siyang nalungkot nang makita ang video ng kapatid sa kalagayan nito ngayon.

Gayunman, hindi raw niya naasikaso nang husto si Berto dahil mayroon din siyang sariling pamilya na dapat asikasuhin.

Hanggang isang araw, nakilala ng vlogger na si Anton si Berta, na sa kabila ng kalagayan ay nakapagkaloob sa kaniya ng mga aral sa buhay.

Nang sandaling iyon, may pinagdadaanan sa buhay si Anton, at naging inspirasyon sa kaniya si Berta upang patuloy na lumaban sa buhay.

Nang makakuha ng permiso si Anton kay Evangeline sa gagawin niyang pagtulong kay Berta, dinala niya ito sa Safehaven Addiction Treatment and Recovery Village, kung saan nagsimula na ang panibagong yugto sa buhay ng palaboy na inglesero.

Tunghayan ang buong kuwento ng buhay ni Berta, at ang pagmamalasakit ng isang estranghero na si Anton, na kapupulutan ng aral at inspirasyon sa video na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News