Ang kasalanan at tukso ay nag-aanyong maganda upang lalong mahulog at makagawa ng pagkakamali ang mga tao (Mt. 4:1-11)
.
Ang madalas na dahilan kaya napapahamak ang isang tao ay dahil sa tukso. Kaya siya nadadapa at nagkakamali ay dahil sa nagpapadala siya sa tukso.

Sa Unang Pagbasa (Gn. 2:79. 3:17), maging ang unang mga tao na sina Eba at Adan ay hindi nakaligtas sa tukso na nakagagawan ng demonyo na nag-anyong ahas.

Ang tukso ay hindi naman magpapakita sa pangit na anyo o paraan. Sa halip, laging maganda at kaaya-aya ang kaniyang anyo. Kung pangit ang ipakikita ng tukso, baka wala nang mabibiktima ang demonyo at kampon ng kasamaan.

Dahil sa magandang anyo ang ipinapakita ng tukso, madaling naakit ang mga tao.

Ang tukso ay maaaring magpakita sa paraan ng salapi, kayamanan, katanyagan, kapangyarihan at katungkulan, at kahit pa sa literal na magandang hitsura para mapansin agad at tuluyang mahulog sa kumunoy ng kasalanan ang taong inaakit.

Kaya mabuting suriin nang husto ang mga dumarating sa ating harapan at pag-isipang mabuti kung ito ba'y hindi tukso na magtutulak sa atin sa paggawa ng kasalanan.

Ito ang ating maaaring pagnilayan sa Ebanghelyo na Mt. 4:1-11.

Gluttony:

Isa ito sa tatlong uri ng tukso na inilatag ng demonyo kay Kristo upang siya ay mahulog o magkasala. Pero nagkamali ang demonyo at siya'y pinalayas.  Ang tukso ng salapi o material wealth na inilarawan sa pamamagitan ng tinapay. Ito ay katakawan sa mga materyal na bagay at sa karangyaan.

Pride:

Ang pangalawa ay ang tukso ng pride. Dahil dito, kadalasan, ipinagpapalagay ng tao na mas magaling o mahusay na siya kesa sa Diyos dahil lamang nabiyayaan siya ng talino. Sukdulang hamunin na nito ang kapangyarihan ng Panginoon. Kung kaya't sinabi ni Hesus, "Do not put your Lord God to the test,". May ilan, na kinukuwestiyon pa kung totoo ang Diyos.

Greed:

Ang panghuling tukso upang mahulog sa kasalanan ang tao ay ang greed o ang pagkaganid sa kapangyarihan.

Marami ang nalalasing sa kapangyarihan dahil sa kanilang nakukuhang impluwensiya. Bakit ba marami ang nakakasuhan ng "graft and corruption?". May ilan ang halos ayaw ng bitawan ang kanilang puwesto. Sukdulang ipagpalit ng tao ang kanilang kapangyarihan sa totoong Diyos, ang akala kasi nila na kapag nakapuwesto ay hindi na maaalis doon.

Ang sa tingin nila, kapag ikaw ay nasa puwesto, wala ka na ring pinagkaiba sa Diyos. Hindi nakakapagtaka, may ilan na ang tingin sa ibang tao ay Diyos at ang tingin nila sa kanilang sarili ay Diyos. Sinabi ni Hesus, "You shall worship the Lord your God and him alone shall you serve".

Ang matibay na panlaban sa tukso at pambubuyo ng kasalanan ay isag mataimtim na panalangin, matibay na pananampalataya at ang pag-iwas dito. Kung ayaw talaga nating magkasala, kahit sampung demonyo pa ang magpakita sa harapan natin ay wala itong magagawa.

Panalangin: Panginoon, kami po'y Inyong gabayan at bigyan ng katatagan upang labanan ang tukso at makita ang tunay nitong anyo na hindi  maganda. Huwag Niyo po sanang hayaan na kami'y mahulog sa patibong ng demonyo para kami'y hindi makagawa ng kasalanan. Amen.

--FRJ, GMA News