Ang tinapay na ipinamahagi ni Jesus ay ang Kaniyang katawan bilang totoong Mabuting Pastol para sa mga tao (Mk. 6:30-43).

Ang totoong serbisyo publiko ay tunay na naglilingkod sa mga tao at laging isinasaalang-alang ang kanilang kapakanan. Isinasantabi muna niya ang kaniyang mga personal na interest at sa halip ay laging inuuna ang makabubuti para sa kaniyang kapwa.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos  6:30-43) tungkol sa serbisyong ipinagkaloob ng Panginoong Jesus para sa mga tao. Paglilingkod na ang laging isinasaalang-alang ay ang kapakanan at kagalingan ng mga taong nangangailangan ng tulong at habag.

Mababasa sa Ebanghelyo na pinagsilbihan ng Panginoon ang mga taong naliligaw ng landas o mga taong walang direksiyon ang buhay, na inihalintulad ni Jesus sa mga tupang walang pastol.

Matapos gampanan ng mga Disipulo ang kanilang tungkulin ay agad silang bumalik kay Jesus. Subalit napakaraming tao ang dumarating at umaalis kaya't minabuti nilang magtungo sa isang ilang na lugar para makapagsarili, makapagpahinga at makakain.

Subalit ang kanilang binabalak ay hindi nangyari sapagkat sila'y nasundan pa rin ng napakaraming tao na nagmula pa sa iba't ibang bayan.

Paglunsad nina Jesus sa bangka ay nabungaran agad nila ang napakaraming tao sumunod sa kanila. Subalit sa halip na mainis si Jesus dahil maaabala ng mga tao ang kanilang pamamahinga, habag ang Kaniyang naramdaman para sa kanila.

Maaaring kumakalam na ang kanilang sikmura dahil sa sobrang gutom. Bukod pa ang sobrang pagod na kanilang nararamdaman.

Gayunman, ipinakita rito ng Panginoong Jesus na hindi mahalaga para sa Kaniya ang Kaniyang sariling kapakanan; hindi importante sa Kaniya ang Kaniyang pang-sariling interes.

Sa halip ay inuuna Niya ang pangangailangan ng mga tao na hinahanap Siya at humihingi sa Kaniya ng tulong at awa. Isinantabi ni Jesus ang sariling plano alang-alang sa pagsisilbi sa mga tao o ang paglilingkod.

Itinuturo ng Ebanghelyo sa atin ang tunay na kahulugan ng "Discipleship" o ang pagiging isang lingkod ng Diyos. Isang paglilingkod na ang laging isinasa-isip at isinasa-puso ay ang kapakanan at interes ng mga tao.

Dahil ang naglilingkod sa Diyos ay mistulang mga pastol. Itinuturo sa atin ng Pagbasa na gaya ni Jesus, hinahamon tayo na maging isang "mabuting pastol" gaya ni Kristo, na nakahandang magsakripisyo alang-alang sa Kaniyang mga tupa.

Mababasa rin sa Ebanghelyo na hindi lamang binusog ni Jesus ang mga tao ng Kaniyang mga aral, kundi binusog din Niya ang kumakalam na sikmura nila sa pamamagitan ng tinapay at isda na Kaniyang pinarami at ipamahagi sa mga tao.

Ang ang paglilingkod ay kailangang maging "unli" o unlimited at  walang boundery o hangganan. Dahil ipinakita ni Jesus sa kuwento na ang Kaniyang pagsisilbi sa mga tao ay walang hanggan at walang katapusan hanggang sa araw na Siya ay ipako sa krus.

Ang tinapay na Kaniyang ipinamahagi sa mga tao ay sumisimbulo sa Kaniyang katawan. Hindi lang sikmura ng mga tao ang Kaniyang kung hindi maging ang kaluluwa ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos.

Si Jesus ang tinapay ng buhay. Kaya nang ipamahagi Niya ang mga tinapay sa mga tao, sumisimbulo ito na hindi lamang literal na tinapay ang Kaniyang ipinamamahagi, kundi ang buo Niyang sarili para magsilbi sa mga tao bilang isang "Mabuting Pastol."

Itinuturo din ni Jesus sa Kaniyang mga alagad ang tunay na kahulugan ng "Discipleship" (Verse 37) sa pamamagitan ng isang paglilingkod na hindi naglalagay ng limitasyon, paglilingkod na hindi sinusukat at paglilingkod na walang reserbasyon o pagsasabing "ito lang ang kayang kong ibigay."

Hinahamon tayo ngayon ng Ebanghelyo kung kaya rin ba nating maglingkod ng walang pagmamaliw at walang limitasyon gaya ng ipinakita ni Jesus. Ang tanong, handa mo bang tanggapin ang hamon na ito?

AMEN.


--FRJ, GMA News