Kinailangang gumamit ng crane at magtulong-tulong ang 50 French rescuer para mailabas ng bahay at masagip ang isang lalaking obese sa Perpignan, France.
Sa ulat ng Reuters, sinabing ang lalaking itinago sa pangalang "Alain P," ay tumitimbang ng nasa 250 hanggang 300 kilo o 550 to 660 lbs.
Dahil sa isang aksidente, nalaglag mula sa kama si Alain noong nakaraang taon at hindi na muling nakaalis pa sa sahig.
Upang mailabas ng kaniyang bahay si Alain, giniba ang harapan ng kaniyang bahay, gumamit ng container van na itinaas ng crane para makuha siya.
Tinangka na rin daw kunin si Alain sa kaniyang tinutuluyan noong nakaraang Disyembre pero tumanggi siya sa pangambang hindi na siya makabalik sa kaniyang bahay.
Dinala si Alain sa ospital at posibleng tumagal siya sa pagamutan ng ilang buwan. Bukod sa kaniyang mga pangangailangan, tutulungan din siyang magbawas ng timbang.
“He’s scared of this extraction. We understand, and now we’ve worked with him to get him in the right frame of mind, there’s a form of trust between us,” sabi ni Mustapha Sebanne, ang head doctor ng emergency services Montpellier.--Reuters/FRJ, GMA News