Itinuturing ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na mga bayani ang mga kasamahan niya sa trabaho na magsasagawa ng road clearing operation at nasawi sa landslide sa Ifugao dulot ng bagyong Ulysses.
"Two of our colleagues in DPWH died as heroes. Joel Chur-ig and John Duclog risked and lost their lives serving the country. They were found dead after another landslide hit Nueva Vizcaya - Ifugao - Mt Province Road where they were conducting clearing operations," ayon sa kalihim.
Patuloy naman ang paghahanap at pinapangambahan na nasawi rin ang dalawang engineer na sina John Limoh at Julius Gulayan, na natabunan din ng gumuhong mga bato at lupa sa lugar.
Sa ulat ng GMA News Alert, sinabing nilawakan na ang sakop ng search and rescue operation sa pinangyarihan ng landslide sa Sitio Nabito, Barangay Viewpoint, Banaue, Ifugao.
Anim katao ang nasawi sa nangyaring pagguho kabilang ang mga tauhan ng DPWH.
Itinuturing ding bayani si Henry Villarao, nakatalaga sa Fisheries Protection and Law Enforcement Office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), matapos siyang makuryente at masawi habang nagsasagawa ng rescue operation sa mga na-trap sa mga bahay na nalubog sa baha sa Tuguegarao City.
Pinsala sa impraestruktura
Sa panayam naman sa Dobol B sa News TV, sinabi ni Villar na umabot na sa P1.6 bilyon ang pinsala sa impraestruktura sa Region 2 ng bagyong Ulysses.
Kabilang umano sa mga nawasak ang mga kalsada at flood control na aabot sa P1 bilyon ang halaga.
Sa nasabing rehiyon, mula sa 25 ay 13 road sections na lamang hindi pa madaanan dahil sa nangyaring mudslide, landslide at pagbaha.
Pero patuloy pa rin umano ang isinasagawang clearing operation ng DPWH sa lugar.
Sa buong bansa, aabot naman sa halos P8 bilyon ang pinsalang idulot ni Ulysses sa impraestruktura.--FRJ, GMA News