Nakatagpo ka na ba ng taong walang "utang na loob" o ingrato? Katulad ka kaya ng siyam na ketongin na lumapit at humingi ng tulong kay Jesus? (Lk. 17:11-19).
Lumapit sa akin noon ang kapatid ng kaibigan ko. Mayroon siyang mabigat na problema dahil nahuli siyang nag-shoplift sa isang kilalang mall.
Kaya naman ginawa ko ang lahat ng paraan para matulungan siya sa kaniyang problema. Inilihim din namin sa kaniyang pamilya ang kasalanan na kaniyang nagawa para maiwasan ang iskandalo.
Subalit pagkatapos ko siyang matulungan ay hindi na siya nagpakita o nagparamdam man lang. Hindi na para magpasalamat, kundi sabihin man lang sana sa akin na okey na siya; o kaya ay humingi ng paumanhin sa problemang nilikha niya at mangakong magbabago na.
Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Lucas 17:11-19) patungkol sa sampung ketongin na lumapit kay Jesus para humingi ng tulong tungkol sa kanilang kondisyon.
Subalit matapos silang pagalingin ni Jesus, tanging ang Samaritanong ketongin na lamang ang bumalik at nakaalalang magpasalamat sa ating Panginoon.
Mahirap bang gawin ang magpasalamat? Mahirap bang sabihin ang salitang salamat? Kung mahirap para sa atin na ito'y sabihin, maaari naman sabihin na lamang na "TY," o pinaigsing Thank You.
Pero sadya yatang may mga tao na mabigat sa kalooban ang tumanaw ng utang na loob. Gayung noong mga panahong nangangailangan sila ng tulong ay napakasigasig nilang lumapit sa mga taong inaasahan nilang makatutulong sa kanilang problema.
Mahirap man aminin, marahil ganito rin natin tinatrato ang Panginoong Diyos. Naaalala lamang natin Siya kapag tayo ay nahaharap sa mabigat na problema. Nagiging masipag lamang tayo sa pagsisimba kapag may hihilingin tayo at nagiging masigasig sa pagdarasal kapag may ilalapit tayo sa Kaniya.
Dahil sa ginagawa nating ito, hindi Diyos ang trato natin sa ating Panginoon kundi mistulang isang ATM o automated teller machine; na pupuntahan lang natin kapag kailangan natin ng pera, o para kumuha ng grasya kung payday na.
Subalit sa oras na ipagkaloob na ng Panginoon ang ating hinihiling ay doon na tayo magsisimulang manamlay at manghinawa sa ating pananampalataya. Para bang ang pananalig natin sa Diyos ay sisigla lamang "as the need arises."
Ang masakit, hindi na nga natin nagawang magpasalamat, nakuha pa nating magsuplado. Gaya ng siyam na ketongin sa ating Pagbasa na nagpakita ng kawalan ng utang na loob o pagiging ingrato.
Ang pagpapasalamat sa lahat ng biyaya at grasyang ipinagkaloob ng Diyos ay hindi lamang dapat simpleng mamumutawi sa ating bibig, kundi kailangan din itong nagmumula sa ating puso.
Madaling sabihin ang salitang "salamat o thank you," subalit mas mahalaga rin ang pagtanaw natin ng utang na loob, na maipapakita natin sa ating mga kilos at gawa.
Pinagkakalooban tayo ng Diyos ng mga biyaya at grasya at ipinagpapasalamat naman natin ito. Pero totoo nga bang tayo ay nagpapasalamat kung patuloy naman tayong nagkakasala? May mga problemang inilapit natin sa Panginoon, na matapos na maresolba ay gagawin uli, at paulit-ulit na gagawin kahit hindi kaaya-aya sa Kaniyang paningin.
Huwag sana nating gayahin ang siyam na ketongin na hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa ating Panginoon. Bagkos, may problema man o wala, may hihilingin man o wala, patuloy tayong magpasalamat at manalig sa Kaniya. Sikaping mamuhay sa tamang landas na ikalulugod Niya, tulad ng pagtulong sa kapwa bilang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap natin sa Panginoon.
Manalangin Tayo: Nagpapasalamat po kami Panginoon sa lahat ng mga biyayang pinagkaloob Mo. Nawa'y hindi lamang sa aming bibig mamutawi ang salitang salamat kundi maipakita din nawa namin ito sa pamamagitan ng aming mga gawa. AMEN.
--FRJ, GMA News