Ang mamahaling kotse na nabili noon ni Willie Revillame sa halagang P12 milyon, mabilisan niyang ipinabenta sa halagang P7 milyon para may maipamigay siya sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa programang "Wowowin-Tutok To Win," inihayag ni Willie na dinagdagan pa niya ng P3 milyon ang pondo para maging P10 milyon na hahatiin niya sa tig-P5 milyon para i-donate sa Montalban at Marikina.
Paliwanag ni Willie, nais lang niyang ibalik ang pagpapala na kaniyang natatanggap dahil kahit nagkaroon ng COVID-19 pandemic ay may trabaho siya at hindi nagkakasakit.
"Sinasabi ko lang ang totoo, baka sabihin nila nagyayabang ako...aanhin ko ang magandang kotse kung marami akong kababayang naghihirap. Kahit magbenta pa ng mga pag-aari na hindi mo na kailangan, I think this is the right time," sabi ni Kuya Wil. Panoorin ang video.
--FRJ, GMANews