May mariing paalala si Carla Abellana tungkol sa mga nag-aalaga ng hayop, partikular ang mga aso, sa tuwing may mga kalamidad tulad ng bagyo at pagbaha.
Sa kaniyang Instagram, hinikayat ni Carla ang pet owners na huwag basta iwan ang mga aso na nakakadena o nasa kanilang kulungan sa panahon na may mga hindi inaasahang pangyayari.
Nag-post si Carla ng mga larawan mula sa PAWS Disaster Response Team na makikita ang ilang aso nasawi sa Marikina nakakadena at nakakulong.
Isa ang Marikina sa mga pinakanaapektuhan ng bagyong "Ulysses" na nagdulot ng matinding pagbaha na may kasama pang putik.
"IF YOU CAN’T EVACUATE WITH THEM, PLEASE UNCHAIN THEM. Please unchain your dogs and unlock their cages if you cannot evacuate with them during times of emergencies or disaster," pakiusap ng Kapuso actress.
(Paalala, sensitibo ang mga larawan)
Para kay Carla, maiging pakawalan ang mga alaga para magkaroon pa sila ng pagkakataong makatakbo sa mga ligtas na lugar, kaysa mamatay na lamang sa kanilang kulungan.
"Please. Would you rather they run for safety or be left with no choice but to die?" dagdag pa niya.
Nagsagawa ang PAWS Disaster Response Team ng rescue operation sa mga hayop sa Provident Village sa Marikina, na isa sa mga lugar na niragasa ng pagbahang dulot ng bagyong Ulysses.
Isinailalim ang Marikina sa state of calamity nito ring Biyernes dahil sa epekto ng bagyo.--FRJ, GMA News