Ang mga makasalanan ay katulad ng isang nawawalang tupa na hinahanap ng ating Panginoon (Lk. 15:1-10).
"Kung ang sinuman sa inyo ay may isang daan tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang isang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan?" (Luke 15:4).
Kung napakahalaga para sa atin ang isang bagay na nawawala maging tao man, alagang hayop o bagay, tayo ay masigasig at puspusan sa paghahanap. At hindi tayo hihinto, hanggang sa ito'y tuluyan na nating matagpuan.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Luke 15:1-10) tungkol sa Talinghaga ng Nawawalang Tupa na inilahad ni Jesus matapos Siyang dagsain ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa Kaniyang mga turo.
Ang mga makasalanan ang naglalarawan sa mga nawawalang tupa na hinahanap ng ating Panginoon.
Sapagkat ang isang bagay na mahalaga para sa atin kahit, ang tingin dito ng iba ay walang kuwenta, matiyaga natin itong hinahanap at hindi natin lulubayan ang paghahanap hangga't hindi natin natatagpuan.
Ganiyan ang ating Panginoong Jesus. Hindi Niya tinitigilan ang paghahanap sa mga makasalanan tulad ng mga kolektor ng buwis sa Ebanghelyo.
Dahil kung ang tingin sa kanila ng mga tao at mga Hudyo ay mga salot, makasalanan, kriminal at wala nang pag-asa sa buhay, sa mata ng Diyos, may pag-asa pa silang magbago, magsisi sa kanilang mga kasalanan at tuluyang magbalik-loob sa Panginoon.
Tulad ng mga Hudyo noong panahon ng ating Panginoong Jesus, sa kasalukuyan ay ganoon din ang tingin natin sa mga makasalanan o mga nawawalang tupa. Batay sa pagsasalarawan ng Pagbasa, sila ay wala nang pag-asang magbago, mga salot at matinding problema ng lipunan.
Dahil sa tingin marahil ng iba ay wala nang pag-asa at pabigat na sa lipunan ang mga nakagawa ng kasalanan, may mga nagnanais na dapat na silang mawala sa mundo.
Subalit iba ang pananaw at pagtingin ni Jesus sa mga taong ang tingin natin ay makasalanan at salot sa lipunan. Sila ang mga nawawalang tupa na hinahanap ng ating Panginoon.
Dahil ang taong minamahal mo, gaano man kabigat ang kaniyang kasalanan, dahil sa siya ay naliligaw ng landas, gaya ng mga kriminal at iba pang masasamang tao, sila ay pinagtitiyagaang hanapin ni Jesus. Hindi Siya hihinto hanggang sa sila ay tuluyang Niyang matagpuan dahil sila ay mahal ng Diyos.
Kapag mahal mo ang isang tao, hindi mo tinitingnan at bibilangin ang kaniyang mga pagkakamali. Kung mahal mo ang isang tao, hindi mo isusumbat sa kaniya ang mga kasalanan niya. At kapag minamahal mo ang isang tao kahit siya pa ang pinaka-makasalanan, siya ay tatanggapin mo nang buong puso.
Ganiyan ang ating Panginoong Jesus, hindi mahalaga sa Kaniya ang ating mga kasalanan kundi ang ating pagbabalik-loob at pagbabagong-buhay.
Mismong ang Diyos ang nagsabi na gaano man kapula o kaitim ang ating mga kasalanan, ito ay papuputiin ng ating Panginoon na parang yelo.
Kung ang pagtingin natin sa mga makasalanan o mga tupang ligaw na kalimitang kinokondena, itinuturing na patapon, mga walang kuwentang tao na dapat nang mamatay, para sa ating Panginoong Jesus, ang nga taong ito ay Kaniyang hinahanap para muling bigyan ng pag-asa at matulungang makapag-bagong buhay gaya ng nawawalang tupa.
Manalangin Tayo: Panginoon, tulungan po Ninyo kaming huwag maging mapanghusga sa mga taong nagkakasala. Turuan Niyo po kaming maging katulad mong mapagpatawad. Nawa'y marami pang mawawalang tupa ang Iyong matagpuan upang makapag-balik loob sa Diyos ang mga taong naliligaw ng landas. Tulungan Niyo po sana Silang makita at matagpuan ang direksiyon patungo sa Inyo.
AMEN.
--FRJ, GMA News