Hindi na kailangang gumamit ng mga map application para matagpuan natin ang direksiyon patungo kay Jesus (Lk. 14:1-6).

Kung mayroon lamang sigurong map application na gaya ng "Waze" na gagabay sa tamang direksiyon ng ating buhay, baka walang taong maliligaw ng landas at mapapariwara sa kanilang buhay.

Sa Mabuting Balita ngayon (John 14:1-6), pinayapa ni Jesus ang pag-aalala ng Kaniyang mga Disipulo na nais malaman ang tamang direksiyon patungo sa lugar na Kaniyang pupuntahan upang ipaghanda sila ng silid sa tahanan ng Kaniyang Amang nasa Langit.

Sinabi ng Panginoon sa Kaniyang mga Alagad na, "Maraming silid sa tahanan ng Aking Ama. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta Ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan?".

Itinuro rin ni Jesus ang direksiyon papunta sa tahanan ng Kaniyang Ama nang sabihin Niya na: "Alam niyo ang daan kung saan ako pupunta."

Ang ibig sabihin, makakarating lamang tayo sa tahanan ng Kaniyang Ama kung alam natin ang direksiyon papunta sa Kaniyang bugtong na Anak.

Naliligaw ng direksiyon ang alagad na si Tomas nang sabihin niyang: "Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta. Paano namin malalaman ang daan papunta dun?"

Pero sa totoo lang, kailangan pa bang gamitan ng map apps ang daan patungo sa Panginoon? Mahirap bang hanapin ang daan papunta sa Kaniya?

Naliligaw lamang tayo at nalilihis ng landas sapagkat ibang direksiyon ang ating tinatahak. Mas hinahangad natin ang landas patungo sa pagkakasala at pagkabulid sa kapahamakan ng ating mga sarili.

Ipinaliwanag ni Jesus na bago tayo makarating sa tahanan ng Kaniyang Amang nasa Langit ay kailangan muna nating tahakin ang direksiyon patungo sa Anak.

Ang sabi ni Jesus: "Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kung hindi dadaan sa Akin."

Hindi natin matatagpuan at matunton ang tamang direksiyon patungo sa Kaharian ng Diyos kung hindi natin mismo alam ang landas papunta kay Jesus.

Kaya may ilan na naliligaw ng landas sa kanilang buhay ito'y dahil ang daan na gusto nilang lakbayin ay iyong madali, masarap, walang kahirap-hirap at inaakala nilang magbibigay sa kanila ng walang katapusang ligaya.

Pero sa huli, malalaman nila na ang daan na kanilang tinahak ay makasalanan at maghahatid sa kanila sa kapahamakan.

Kaya imposible talagang makarating tayo sa tahanan ng Diyos Ama para maipaghanda ng silid doon. Kung hindi muna nating matututunang isuko ang ating sarili sa kalooban ng Kaniyang Anak na si Jesus.

Ayaw nating mahirapan sa direksiyong itinuturo ni Jesus papunta sa Kaniyang Ama. Kaya ang ilan sa atin ay napapariwara dahil mas hinahangad ang daan na komportable pero ikakapahamak naman ng kaluluwa.

Si Jesus ang tamang daan papunta sa kaharian ng Diyos. Siya ang katotohanan at ang buhay. Sa oras na ipagkatiwala natin ang ating buhay sa Kaniya, hinding hindi tayo maliligaw ng landas patungo sa Kaharian ng Kaniyang Ama.

Manalangin Tayo: Panginoong Jesus. Turuan mo po kaming tahakin ang direksiyon papunta sa Iyo upang marating namin ang daan patungo sa tahanan ng Iyong Ama. Huwag Niyo po sana kaming hayaang maligaw upang hindi mapariwara ang aming buhay. Amen.

--FRJ, GMA News