Itinuturing na malaking hakbang sa kapakinabangan ng mga dayuhang manggagawa-kabilang ang mga overseas Filipino worker- ang desisyon ng pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia na alisin ang "kafala" system.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi umano ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola, na mistulang nagagamit ang "kafala" sa pang-aalipin sa mga manggagawa dahil natatali sa kanilang employer o amo ang mga manggagawa.
Dahil dito, nagagamit umano ang naturang sistema sa pang-aabuso sa mga manggagawa. Hindi makaalis sa kaniyang amo ang manggagawa kapag hindi nakakuha ng exit visa kahit tapos na ang kaniyang kontrata.
Nagiging dahilan din umano ang kawalan ng exit visa kaya hindi kaagad maipauwi ng DFA ang mga sinasaklolohang OFW.
Sa pag-alis ng "kalifa" system simula sa Marso 2021, bukod sa magkakaroon na ng karapatan ang mga manggagawa na lumipat ng amo, makakalabas at makakapamasyal na sila sa labas ng KSA kahit walang exit visa.
Tinatayang nasa 800,000 OFWs ang makikinabang sa gagawing pag-alis sa "kafala" system.
Sa ulat naman ng Agence-France-Presse, sinabi ng Saudi human resources and social development ministry, ipatutupad ang pag-alis sa "kalifa" system sa Marso 14, 2021, at tinatayang 10 milyong dayuhang manggagawa ang makikinabang.
"This initiative will improve and increase the efficiency of the work environment," ayon sa pahayag ng ahensiya.
Ayon ni Sattam Alharbi, deputy minister ng ministry, hindi maliit na bagay kung hindi isang malaking pagbabago ang naturang desisyon na alisin ang naturang sistema.
"We aim to achieve more inclusion for Saudis, attract talent, improve the working conditions, make Saudi Arabia's labor market more dynamic and productive," anang opisyal.--FRJ, GMA News