Hihirit ka kaya ng "mine!" sa bentahan ng mga damit online kapag nalaman mo na ang bibilhin mong kasuotan isinuot mismo ng patay?
Sa Thailand, patok ang gimik ng online seller na si Kanittha Thongnak dahil sa kaniyang wagas na zombie make-up tuwing naka-live siya.
Pero bukod sa kaniyang zombie make-up, hindi rin basta-basta ang mga ibinebenta niyang damit dahil ang kasuotan ay ginamit na mismo ng patay mula sa funeral parlor.
Ayon kay Kanittha, naisipan niyang ibenta online ang mga damit ng mga patay nang minsan dumalo siya sa funeral service at nakita niyang sinusunog lang ang damit ng namatay.
Naisipan niyang bilhin na lang ang mga damit mula sa mga funeral director pagkatapos mag-alay ng dasal ng mga monk sa namayapa.
Naibebenta raw niya ang mga damit ng hanggang 100 baht o katumbas ng P155.
Ang bahagi ng kaniyang kinikita ay ibinigay naman daw niya bilang donasyon sa Buddhist temples.
Kuwento pa ni Kanittha, simula nang magbenta siya ng gamit ng mga patay na naka-zombie make-up ay dumami ang mga nanonood sa kaniyang live selling.
Karamihan daw sa kaniyang mga kostumer ay magkakaiba ang relihiyon at paniniwala, at hindi takot na bumili ng gamit ng pumanaw na.
Mayroon din iba na hindi na binibili ang damit at nagpapadala na lang ng pera bilang suporta at makibahagi sa pagkakaloob ng donasyon.
Ang isang kostumer naman ni Kanittha, sinabing katulad din ng karaniwang kasuotan ang damit ng yumao.
Katunayan, sinabi umano sa kaniya ng monk na mas mabuting ibenta ang mga kasuotan ng yumao para mabigyan ng halaga kaysa sunugin lang.
Ikaw, magma-"mine!" ka na ba?
Panoorin ang video ng GMA NewsFeed.
--FRJ, GMA News