Isang opisyal ng kapulisan sa Northern Samar ang nasawi nang aksidente siyang tamaan ng tari na nakakabit sa panabong na manok matapos nilang salakayin ang isang ilegal na patupada nitong Lunes.
Sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ang nasawing pulis na si Police Lieutenant Christian Bolok, hepe ng San Jose police station.
Dadamputin na umano ni Bolok ang manok na kasama sa mga ebidensiya nang tamaan siya ng tari sa hita at mahiwa ang maselang ugat na "femoral artery."
Tumagas ang dugo mula sa naturang sugat na ikinasawi ni Bolok, ayon kay Provincial Police Chief Colonel Arnel Apud.
"It was an unfortunate accident and a piece of bad luck that I cannot explain," pahayag ni Apud.
"I could not believe it when it was first reported to me. This is the first time in my 25 years as a policeman that I lost a man due to a fighting cock's spur," patuloy niya.
Tatlo katao ang naaresto sa naturang operasyon, at nakumpiska ang dalawang panabong na manok.
Ipinagbabawal ang sabong ngayon may pandemic upang maiwasan ang pagtitipon-tipon ng maraming tao sa isang lugar. --FRJ, GMA News