Dahil sa work for home set-up at online classes dahil sa COVID-19 pandemic, marami ang nakatutok ngayon sa mga gadget at computer. Pero dapat nga bang pangambahan ang umano'y masamang epekto sa mata ng tinatawag na "blue light" mula sa screen ng gadgets, computer, at pati sa telebisyon?

Sa isang ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras,” inihayag ng isang magulang na ibinili niya ng eyeglasses na may anti-blue light ang kaniyang batang anak para maprotektahan ang mga mata lalo na ngayong may online class.

Pero paliwanag ng ophthalmologist at retina specialist na si Dr. Gregory Germar,  bagaman wala namang masama sa paggamit ng anti-blue light glasses, wala rin naman daw katibayan na nagpapakitang nakasisira ng mata ang blue light na nanggagaling sa mga screen.

“Matatakot ka sa blue light coming from the sun. From the screen, ’yung amount ng blue light na lumalabas is very very small compared to that,” paliwanag ng duktor.

“Hindi dapat ikatakot,” dugtong pa niya.

Ayon kay Germar, ang higit na dapat ikabahala ay ang tinatawag na "digital eye strain."

“Kung nakababad sila buong araw, ang tendency ay magko-complain sila na masakit ’yung ulo or hahapdi ’yung mata or hindi na komportable ’yung tingin,” ani Germar.

Bagaman hindi naman umano magdudulot ng permanenteng problema sa mata ang digital eye strain, makaapekto naman daw ito sa konsentrasyon ng isang tao.

Para maiwasan ang pagkapagod ng mata dahil sa pagtutok sa computer, ipinayo ng pediatric ophthalmologist na si Dr. Lexie Aclan ang tinatawag na "20-20-20 rule."

“You ask them to use the screen for 20 minutes and then after that they look sa malayo, 20 feet away and look at the distant object for 20 seconds,” paliwanag niya.

Makabubuti rin umano kung dadalasan ang pagkurap ng mga mata para hindi matuyo ang fluid sa paligid ng cornea.

“Normally kasi isang tao nakaka-kinse sa isang minuto. ’Pag masyadong babad sa telebisyon nababawasan ’yun by half. Doon tayo nagkakaroon ng probema,” sabi ni Aclan.

Ang Department of Education, naglabas na ng panuntunan sa screen time ng mga mag-aaral ngayong pasukan.

Ang mga kindergarten students ay inirerekomenda na hanggang isang oras lang sa computer sa isang araw; Grades 1 to 5 maximum na 1.5 hours daily; Grades 6 to 8 maximum of 2 hours daily; at Grades 9 to 12 ay 4 hours daily, na 2 hours sa umaga at 2 hours sa hapon. – FRJ, GMA News