Kinumpirma ng Indonesia ang plano na ilipat na sa pangangasiwa ng Pilipinas ang Pinay death row inmate na nasa kanilang bansa na si Mary Jane Veloso.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing ang desisyon ay bahagi umano ng “Transfer of Prisoners” policy ng Indonesia.

Sa ilalim nito, papayagan ang mga kuwalipikadong dayuhang bilanggo na ipagpatuloy ang pagbuno sa kanilang sentensiya sa kanilang sariling bansa.

Ayon kay Indonesian Chief Minister for Law and Human Rights Yusril Ihza Mahendra, tinanggap ng Pilipinas ang mga kondisyon na kaakibat sa gagawing pagpapauwi kay Veloso, na nahatulan ng parusang kamatayan dahil sa pagdadala sa Indonesia ng ilegal na droga noong 2010.

TIMELINE: Mary Jane Veloso, from OFW dreamer to death row inmate

Nagpahayag ang Pilipinas na iginagalang nito ang hustisya ng Indonesia na mahalagang bahagi sa kasunduan.

Una rito, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ngayong Miyerkoles na makakauwi na si Veloso.

Bagaman wala pang opisyal na dokumentasyon, umaasa ang Department of Foreign Affairs na makakauwi si Veloso sa bansa ngayong kapaskuhan. --FRJ, GMA Integrated News