Bago naging isang award-winning actor, ibinahagi ni John Arcilla na dati siyang "amateurista" na sumasali sa mga singing contest sa kanilang probinsiya noong kaniyang kabataan.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni John na lagi siyang sinasabihan ng kaniyang mga ate kapag may singing contests sa kanilang lugar sa Baler, Aurora.
"Amateurista ako!," masayang kuwento ni John. "Ang Ate ko, Ate Marivic ko, laging 'Boy, mayroon ditong ano, amateur contest sa Barangay 1. Halika Boy!, may amateur contest sa Barangay Buhangin, sumama tayo!'"
Ayon kay John, siya ang palaging first place at ang "Kapalaran" ni Rico J. Puno ang palagi niyang inaawit o signature song.
Pero nagkaroon umano ng pagbabago sa timbre ng kaniyang boses nang maging teenager siya at nagkaroon ng nagka-stage fright.
"Until sa adolescent ko, when I was 13, nag-change 'yung vocal capacity ko, o 'yung voice box ko. So for the first time, nag-crack 'yung voice ko. I was 13 or 12 years old. I was singing 'Kapalaran,'" pagbahagi pa ng aktor.
"From that on, 13 years akong nagka-stage fright. Hindi ako nakakanta sa stage. Doon ako nag-shift sa acting," patuloy ni John.
Nalinya naman si John sa mga musical play, at nagkaroon din ng pagkakataon na maging leading lady ni Regine Velasquez.
Kabilang si John sa mga karakter na aabangan sa second season ng "Lolong" na pagbibidahan muli ni Ruru Madrid.
Gagampanan ni John ang kontrabida role na si Julio Figueroa, na isang negosyante at pilantropo pero sangkot sa ilegal na gawain.
Mapapanood ang naturang serye sa GMA Prime sa Enero 2025. —FRJ, GMA Integrated News