Nakatakas man sa mga pulis na aaresto sa kaniya, sa presinto pa rin bumagsak ang isang drug suspect matapos siyang dahil sa presinto ng taxi driver na kaniyang sinakyan sa Mandaluyong City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nagawang makapiglas ng suspek na si Jose Glenn Perez kaya natakasan niya ang mga pulis at agad siyang pumara ng taxi para makalayo.
Pero nakita ng taxi driver na nakaposas si Perez kaya dinala niya ang lalaki sa pinakamalapit na presinto.
Kinalaunan, inamin ng suspek na lulong siya sa droga at may nakuha sa kaniya na mahigit P13,000 na halaga ng shabu.
"Magbabago na po ako," sabi ni Perez.
"Kilalang tulak sa Mandaluyong City, at nakakuha po tayo ng impormasyon base doon sa ating mga nahuhuli rin na siya na po 'yung nag-asikaso ng mga pagtutulak dito kasi marami na rin pong pusher tayong nahuli," sabi ni Police Colonel Hector Grijaldo Jr., Chief of Police ng Mandaluyong City.
Samantala, dinakip din sa Mandaluyong ang dalawa pang magkaibigang suspek sa isang buy-bust operation.
Naaktuhan sina Nerik Barba at Ganilou Palminico na nagtutulak ng 5.5 gramo ng shabu na may street value na P37,400.
"Mahirap lang sir ang buhay," sabi ni Barba.
"Hindi ako nakapag-aral eh," sabi ni Palminico.
"'Yung ating kapulisan dito sa Mandaluyong ay patuloy pong pinapaigting ang operasyon natin sa droga lalong lalo na po 'yung nagtutulak. 'Yung sinasabi ng ating Chief PNP na kino-consider nating high value targets para po maibsan po natin 'yung supply ng droga na pinapasok po dito sa city ng Mandaluyong," sabi ni Grijaldo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News