Ang katatagan ng ating pananalig sa Diyos ang mag-aahon at magliligtas sa atin sa mga pagsubok sa buhay.
_____________
Dumanas din ako ng mga mabibigat na suliranin at pagsubok sa buhay. Pero hindi ito naging dahilan upang manghina ang pananalig ko sa Diyos; sa halip ay sinikap kong maging matatag at magpatuloy sa aking tungkulin bilang Dominikanong Layko.
Hindi ko tinalikuran ang paglilingkod sa ating Panginoon at pagsisilbi sa Kaniyang Simbahan dahil lagi kong isinasapuso na walang ibang makatutulong sa akin kundi ang Diyos lamang. Siya lang ang kasagutan sa mga kinakaharap kong suliranin sa buhay.
Madalas kong inuusal sa aking sarili ang mga salitang ito upang lalo pa akong maging matatag, sa harap ng mga hamon ng buhay: “Panginoon, kung ang mga pagsubok na ito ang lalong maglalapit sa akin sa'yo, ipinapaubaya ko na Sa'yo ang mga pagsubok na ito. Kung ang mga paghihirap kong ito ang magpapatatag ng aking pananampalataya, Ikaw na po ang bahala.”
Ang mga problema na ating pinagdadaanan ay isang pagsubok lamang para lalo pang pagtibayin ang ating pananampalataya. Pero ang mga problemang iyan ay hindi magtatagal. Parang mga unos o bagyo na dumadaan lang at pagkatapos ay masisilayan na natin ang liwanag.
Ang ating mga suliranin sa buhay tulad ng isang malakas na bagyo na humagupit sa gitna ng dagat. Gaya ng ating mababasa sa Ebanghelyo (Verse 23-24) tungkol sa isang pangyayari na hindi maiiwasan subalit ang unos na ito ay hindi pang-matagalan.
Hindi ba't kung ikaw ay nasa bangka at nagkaroon ng unos at lumikha ng mga malalaking alon na yuyugyog sa iyong bangka; ang dapat mong gawin ay kumapit nang mahigpit upang hindi matangay ng alon?
Tulad ng mga problema at mga pagsubok sa buhay, kailangang kumapit lang at huwag bibitiw hanggang sa lumipas ang unos. At habang nandiyan ang unos, tumawag at humingi ng tulong sa Diyos.
Maging matatag tayo tulad ni Job na sa kabila ng mga pagsubok na kaniyang naranasan; hanggang sa mawala ang lahat ng kaniyang pag-aari, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon. Lahat ng mabibigat na pagsubok ay naranasan ni Job pero ni minsan ay hindi siya nagalit o sinumbatan ang Diyos.
Alalahanin din natin ang nangyari noong naglalayag sa karagatan sakay ng bangka si Hesus kasama ang Kaniyang mga Alagad. Biglang dumating ang isang malakas na unos at hinagupit nito ang bangka. Nataranta ang mga Alagad at ginising nila ang nagpapahingang si Hesus.
Gaya ng mga Alagad ni Hesus, takot at labis na pag-aalala rin ang ating nararamdaman kapag naharap sa unos ng buhay. At sa sobrang pag-aalala ay hindi nagawang mag-isip pa ng solusyon. Kung mangyayari ito, baka sabihan din tayo ni Hesus na: “Bakit kayo natatakot? Kayliit naman ng inyong pananalig.”
Nang sandali ring iyon, pinakalma ni Hesus ang unos.
Kapag tayo ay nahaharap sa isang mabigat na pagsubok, ang pakiramdam natin ay pinapabayaan tayo ng Diyos. Hindi tayo kailanman pababayan ng Panginoon. Nandiyan lamang siya sa ating tabi at maaaring kausapin sa anumang sandali.
Amen.
--FRJ, GMA News