Dobleng laban sa dalawang matinding karamdaman ang hinaharap ng isang Pilipinong nurse sa United Kingdom. Bukod kasi sa cancer, dinapuan pa siya ng COVID-19.
Sa "Survivors" ng GMA News and Public Affairs, sinabing 18 taon nang nagtatrabaho si Gregorio "Greg" Samson sa isang pribadong ospital sa Essex, na isa rin sa mga pinakamalaking health provider sa UK.
Taong 2003 at 2004 nang mapetisyon na ni Greg ang asawa niya at dalawang anak sa naturang bansa.
Ngunit nang magbakasyon si Greg sa Pilipinas nitong nakaraang taon, may napansin siyang kakaiba sa kaniyang katawan na tila bukol sa kanang bahagi ng kaniyang tiyan.
Nang bumalik siya sa UK at ipatingin sa mga doktor doon, nakumpirmang may Stage 2 gastroesophageal cancer si Greg.
Kinakailangan niyang sumailalim sa chemotherapy kada dalawang buwan, saka siya ooperahan bago iki-chemo muli.
Pagbalik ng pamilya ni Greg sa kanilang tahanan sa UK galing sa Pilipinas, nagpakita ng COVID-19 symptoms ang kaniyang asawa, na sinundan ng kaniyang anak.
Nagkaroon na rin ng pabalik-balik na lagnat si Greg. At nang magpasuri, nakumpirmang positibo na siya sa virus.
Minabuti ni Greg na mag-isolate sa bahay. Nang hindi bumuti ang kaniyang pakiramdam kinabukasan, tumawag na ng ambulansiya ang kaniyang pamilya at dinala siya sa ospital.
"If you want to experience it, sabi ko nga sa kanila, takpan mo 'yung ulo ng unan tapos try to breathe. Ganoon ang feeling nu'ng gusto mong huminga pero hindi ka makahinga," ani Greg, na isang high-risk case.
“Talagang alam ko maku-cure 'yung cancer ko. Pero itong COVID-19, talagang halos nag-give up na ako,” saad niya.
Ngunit kakaibang sigla ang nagpatatag kay Greg mula sa nurse na nagbantay sa kaniya.
"Na-shock akong ganoon, binuksan ko 'yung mata ko pagtingin ko 'yung mukha ng nurse, mukha ng nanay ko," kuwento ni Greg, na namatayan na ng ina anim na taon ang nakararaan.
"So 'yun nga parang naiyak ako. Sinabi ko sa kaniya, 'Nakita ko kayo para kayong nanay ko,'" sabi ni Greg sa nurse na si Nanette.
Ipinakita naman ng asawa ni Greg na si Sharon na matatag siya para sa asawa. Ang mga kamag-anak naman ni Greg sa Pilipinas, nagsagawa ng online prayer brigade.
“Ang twisting point ko is 'yung noong sinabihan ako ng doctor na DNR ako, ‘yung Do Not Resuscitate. Although covered ako sa age ko pero dahil sa medical situation ko like cancer, kung ma-Intensive Care Unit daw ako, eventually mamamatay din ako sa cancer ko," pahayag niya.
"Galit na galit talaga ako noon, galit na galit ako sa loob. Tiningan ko siya sa mata, sabi ko sa sarili ko 'Palagay niyo ba kayo ang Diyos na magde-decide sa buhay ko?,'" kuwento niya.
"Sabi ko, ‘Lord, let's show these people na that there's a miracle. Pakitaan natin sila ng milagro, Lord!’" sabi ni Greg.
Matapos ang 15 araw ng confinement, gumaling si Greg sa COVID-19.
Kasalukuyan, patuloy ang pagsailalim si Greg sa chemotheraphy.
“I always say I work hard, play hard. Kumbaga parang nakalimutan ko na tao rin pala ako na kailangan kong magpahinga. Mayroon din pala akong kailangan na Diyos na kailangang sambahin. Noong dumating ito, talagang makikita mo 'yung kahalagahan ng family,” paalala ni Greg.-- FRJ, GMA News