Kahit nakikipaglaban sa COVID-19 sa ospital, ang pagtulong pa rin sa iba ang nasa isip ni Carla Villanueva-Manas. Ipinahayag din niya ang matinding paghanga sa mga medical frontliner dahil nakita niya ang dedikasyon nila para gumaling ang pasyente.
"Kung nandodoon ka sa ospital at makikita mo talaga yung debosyon ng mga frontliners, mamamangha ka sa kanila," sabi ni Carla, na na-confine sa ospital dahil sa COVID-19 noong Marso.
"Hindi sila kumakain sa tamang oras, inuuna nila ang pasyente. Napakaraming pasyente noong araw na na-confine ako," patuloy niya.
Sa halip daw na isipin niya ang kaniyang sakit habang nasa ospital, mas minabuti ni Carla na ituon ang atensiyon sa paghahanap ng paraan upang makatulong sa mga nangangailan nang panahon iyon.
"Kaya ko naisip na matayo ng fundraising drive humingi ng tulong sa mga kaibigan para naman makatulong sa mga kapwa natin," saad niya.
"Na-realise ko since nandito ako sa ospital, hindi naman ako busy, nagpapagaling lang anamn ako, baka puwede kong gamitin yung panahon ko na imbis na isipan pa yung sakit ko, mabuti pa na makatulong na rin ako," dagdag ni Carla.
Ang kaibigan ni Carla, labis na humanga sa kaniyang katatagan.
"Noong nalaman ko na nag-positive siya tapos gusto pa rin niyang tumulong, sobra talaga akong inspired sa kaniya, sobra ko siyang pinaghahangaan talaga," anang kaibigan niyang si Arlene Thay Siongco.
"Kasi yung nga nakapabuti niyang talagang tao para maisip pa yung ibang tao kahit siya mismo nahihirapan na siyang huminga," patuloy niya.
Kilalanin pa lalo si Carla sa video na ito at ang naging laban niya sa COVID-19. Panoorin.-- FRJ, GMA News