Pumanaw na nitong Lunes ang stand-up comedian na si Kim Idol sa edad na 41. Pero isang linggo pa lang ang nakararaan, nakibahagi pa siya sa online fund raising concert para sa anak ng kapwa komedyanteng si Super Tekla na kinailangan operahan dahil sa birth defect na anorectal malformation.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," makikita ang masayang si Kim habang nakikibahagi sa naturang online fund raising concert kasama ang iba pang Kapuso comedian.
Pero ang hindi alam ng lahat, ito na pala ang huling suplap sa masasayang ngiti at mahusay na pagtatanghal ni Kim, o Michael Argente sa tunay na buhay.
READ: Kapuso stars, may online benefit show para sa anak ni Super Tekla
Ilang araw pa lang ang nakalilipas ng naturang online show, isinugod sa ospital si Kim nang mawalan ng malay dahil sa matagal na niyang kondisyon sa utak na ateriovenous malformation (AVM), ang problema sa ugat na nakakaapekto sa daloy ng oxygene at dugo.
READ: Ina at mga kaibigang komedyante, humingi ng dasal para kay Kim Idol na isinugod sa ospital
Kuwento ni Tekla, napansin niya noon ang mga post sa social media ni Kim na tungkol sa hugot pandemya ng pamamaalam kaya nag-alala siya.
Nag-worry daw si Tekla kaya tinawagan niya si Kim pero wala naman daw itong sinabi kung hindi puro tawa lang.
"Siya yung nag-encourage sa akin na maging malakas, maging matapang. Hindi siya yung tao na tipong makikitaan mo ng problema," kuwento ni Tekla tungkol kay Kim, na isa ring volunteer frontliner sa isang quarantine facility.
Ang mga kaibigan ni Kim tulad nina Teri Onor at Alan K., nagpahayag ng pagdadalamhati sa pagpanaw ng kanilang kasamahan sa industriya ng komedya.
Nagpaabot din ng pakikiramay sa mga naulila ni Kim si Alden Richards.
"Sobrang bait na tao niyan, lagi kaming pinapatawa. Malaki siyang kawalan sa industrya ng comedy dito sa ating bansa. Sa pamilya po ni Kim Idol, nakikimay po ako," saad ng aktor.
Sa Martes ng ng gabi, magsasagawa ng fund raising event ang mga kaibigan at kasamahan ni Kim para tuparin ang isang bilin niya sa mga kaibigan para sa kaniyang ina.
"We also want to help the mom kasi talagang binilin niya 'yan kina Teri na 'wag n'yong pababayaan ang nanay ko," sabi ng komedyante rin si Philip Lazaro. --FRJ, GMA News