Sa pitong anak ni Jocelyn, tatlo ang puting-puti ang balat, buhok at mata. Bagaman sinasabing may kondisyon na albinism o congenital disorder ang mga bata, sumasagi pa rin sa isip ng ginang ang napapanagipan niyang engkanto na kung tawagin ay Abyan. May kinalaman nga ba ito sa hitsura ng mga bata? Panoorin.
Sa episode na "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Jocelyn na taga-Agusal Del Sur, na 14-anyos lang siya nang magsimula niyang mapanaginipan ang Abyan, nag-aanyong tao umano na magandang lalaki.
At batay sa mga paniniwala, mayroon umanong tatlong uri ang Abyan--na taga-lupa, taga-gitna at taga-taas. May mamabait daw na Abyan at mayroon ding nagbibigay ng problema sa mga tao.
Nang mag-17-anyos na si Jocelyn, nagkaroon na siya ng asawa.
Pero sa ikatlong pagbubuntis ni Jocelyn, muli na naman daw niyang napanaginipan ang Abyan. At nang isilang niya ang anak, nagulat siya sa puting-puti ang kulay nito.
Ganito rin daw ang nangyari nang ipagbuntis niya ang dalawa pa niyang anak na parang maputi rin ang kulay.
Pero sa kabila nito, walang pagdududa ang mister ni Jocelyn na siya ang ama ng mga bata at hindi engkanto.
Ipinaliwanag naman ng mga dalubhasa sa mag-asawa ang tungkol sa kondisyon ng mga bata na albinism . Panoorin.
--FRJ, GMA News