Iniutos ng piskalya ng Calamba, Laguna na palayain ng pulisya ang babaeng suspek sa pagpatay sa babaeng driver na si Jang Lucero na tinadtad ng saksak.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakulangan ang piskalya sa iprinisintang ebidensiya ng pulisya laban kay Annshiela Belarmino, 20-anyos.
Si Belarmino umano ang babaeng naging pasahero ni Lucero, kasama ang dalawa pang lalaki, nang gabing huling makita buhay ang biktima habang nagsa-sideline bilang tagahatid ng pasahero gamit ang kaniyang kotse.
Kahit naka-face mask, natukoy umano ng mga awtoridad si Belarmino bilang suspek na nakuhanan sa CCTV dahil sa tattoo nito sa likod.
May dalawa rin daw na testigo na nagturo kay Belarmino na nag-uugnay sa kaniya sa krimen.
Pero hindi kombinsido ang piskalya sa mga katibayan ng pulisya para ituloy ang pagsasampa ng reklamong murder sa korte laban kay Belarmino, na nakalabas na ng kulungan nitong Huwebes.
Una rito, iginiit ni Belarmino na inosente siya at maaaring may gumaya lamang ng kaniyang tattoo sa likod.
READ: Suspek sa pagpatay kay Jang Lucero, iginiit na hindi siya ang babaeng nasa video
Bago nakalaya, ipinakita pa ni Belarmino sa GMA News ang kaniyang mga kamay para patunayan na wala itong galos na maaaring natamo sa nangyaring krimen.
"Sana makonsensiya yung sumet-up [set-up] sa 'kin dito," saad niya.
Sa kabila nito, ipagpapatuloy ng pulisya ang pangangalap ng iba pang katibayan laban kay Belarmino at sa mga kasabwat niya tulad ng forensic at technical evidence.
Tiwala pa rin ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna na malulutas ng pulisya ang krimen at mabibigyan ng hustisya si Lucero. --FRJ, GMA News