Sa pagsasailalim ng Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ), inaasahan na dalawang milyong Pilipino ang muling gagamit ng mga pampublikong transportasyon.
Pero ayon sa isang pag-aaral sa United Kingdom noong 2008, anim na beses na mas mataas ang tiyansa na magkaroon ng acute resipiratory illness ang mga madalas sumakay ng bus o tren.
Paano nga ba mapoprotektahan ng mga commuter ang mga sarili habang nasa biyahe sa gitna ng COVID-19 pandemic?
1. Panatilihin ang distansiya - Dumistansiya nang nasa dalawang metro o anim na talampakan sa ibang tao.
Hangga't maaari, piliin ang mga sasakyan na puwedeng masunod ang pagdistansiya sa iba pang pasahero.
2. Laging magsuot ng mask - Laging magsuot ng mask kapag lalabas ng bahay dahil nagsisilbi itong proteksiyon hindi lang sa gumagamit kundi pati sa mga tao sa paligid niya.
Bukod sa pagpigil sa virus na mapunta sa sistema ng tao, napipigilan din ng mask ang isang carrier na ikalat pa ang virus.
3. Iwasan ang mga lugar na hindi maganda ang bentilasyon - Iwasan ang mga lugar na kulob o siksikan dahil mas pamumugaran ito ng kontaminasyon.
Pumunta sa mga maluwag na espasyo o open air. Ito ang rason kung bakit itinuturing na mas ligtas ang lumang modelo ng mga jeepney dahil sa mga bukas na bintana.
4. Iwasang humawak sa mga pampublikong kagamitan at maghugas agad ng kamay - Iwasang hawakan ang mga handrail at mga pader, at iwasan ding hawakan ang mukha.
Panoorin ang naturang tips sa video ng GMA Digital Specials ng GMA Public Affairs. -- FRJ, GMA News