Iginiit ng pangunahing suspek sa pagpatay kay Jang Lucero na si Annshiela Belarmino na wala siyang kinalaman sa naganap na karumal-dumal na krimen. Hindi rin daw siya ang babaeng nakita sa CCTV na naging pasahero ng biktima na suma-sideline sa paghahatid ng pasahero sa Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Miyerkules, giniit ni Belarmino, 20-anyos, na nasa ibang lugar siya at nakikipag-inuman nang gabing nakita ang itinuturong mga suspek na sumakay sa kotse ni Lucero.
“Hindi po ako ‘yong nasa video. Puwedeng katulad lang ng buhok ko or ginaya ‘yong tattoo ko dahil noong time na ‘yon ay wala ako doon at nakikipag-inuman ako sa ibang lugar," paliwanag ni Belarmino.
“Alam ko na lalabas din ‘yong totoo. Sisiguraduhin kong ‘di ako ‘yon at alam ko sa sarili kong inosente ako," giit niya.
Inamin naman Belarmino na nakarelasyon niya ang nobya ni Lucero noong Pebrero pero nakipaghiwalay siya makalipas ng isang buwan nang madiskubre niyang makikipagbalikan ito sa biktima.
“Ex-girlfriend (ako noong girlfriend ni Jang.) Ako ‘yong nakipag-break kasi nalaman kong nakikipag-ayos pala siya kay Jang nang hindi ko naman alam," saad niya.
"Nagkakasama talaga sila. Hindi ko naman alam na sa pagsasama nila, nag-aayos na pala sila, hindi ko po alam kaya nakipaghiwalay po ako," patuloy ni Belarmino.
Inamin ng suspek na nasaktan siya pero hindi naman daw lubos na masama ang loob niya dahil hindi pa naman daw niya mahal na mahal ang dating karelasyon.
Matatandaan na nakita ang bangkay ni Lucero na tadtad ng 52 saksak sa loob ng ipinapasada niyang kotse.
Bago makita ang bangkay ni Lucero, may kuha naman ng CCTV na nakita ang isang babae at dalawang lalaki na naging pasahero ng biktima.
Kahit may face mask, natukoy ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng babae dahil nahagip sa CCTV ang tattoo nito sa likod, na gaya ng tattoo ni Belarmino.
Sa kabila ng pahayag ni Belarmino, kompiyansa ang pulisya na matibay ang ebidensiya nila laban sa suspek.
“She can always tell kung ano ‘yong gusto niya but as far as the investigation of the PNP is concerned, we are very definite that we have a strong case against her," ayon kay Police Regional Director Brigadier General Vic Danaoa, PRO IV-A.
Dagdag ng opisyal: "There are witnesses na nandoon mismo noong sumakay siya at na-identify siya sa CCTV na siya nga si Ann. Another witness na nakakita mismo doon sa crime scene, alighting from the vehicle ng biktima."
Bukod kay Belarmino, may dalawa pang lalaki na sumakay sa kotse ng biktima, at may isang kotse rin na sumunod na ginamit daw ng grupo sa pagtakas.
“Baka magkaroon ng positive DNA testing na ‘yong presence mismo ni Ann [Belarmino] doon sa crime scene,” sabi ni Danao.-- Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News