Inihayag sa programang "Pinoy MD" na kahit sino ay maaaring tamaan ng facial nerve disease na kung tawagin ay Bell's Palsy, kung saan nagiging paralisado ang kalahati ng mukha.
Isa ang aktres na si Angelu de Leon sa mga nakaranas ng naturang kondisyon. Mapalad siya na naibalik sa dati ang kaniyang mukha pero nangangamba siya na baka muling umatake ang naturang sakit.
Ayon sa isang neurologist, 25 porsiyento ng mga tinatamaan ng Bell's Palsy ang hindi na naibabalik sa dati ang hitsura ng kanilang mukha. Gayunman, mas malaking porsiyento naman ang gumagaling sa tulong ng gamot at rehabilitasyon na kailangang gawin sa mukha.
Alamin sa video kung ano ang kinalaman ng mahinang immune system o mahinang resistensiya sa peligrong magkaroon ng Bell's Palsy, at ano ang mga palatandaan na posibleng nakararanas ka na ng naturang karamdaman tulad ng hindi pagpikit ng isang mata at hindi makangiti nang pantay.
Si Angelu, una raw napansin ang problema sa kalahati ng kaniyang mukha nang uminom siya ng tubig. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News