Naging mahirap para kay Ruffy Niedo, isang engineer sa Dubai, UAE, nang mag-isa siyang nakipaglaban sa COVID-19 at malayo sa pamilya. Dahil sa karanasan na halos mamatay na siya, naniniwala na raw si Ruffy na totoo ang mga "sundo" sa kabilang buhay.
Sa kuwentong "Survivors" ng GMA Public Affairs, sinabing nagtatrabaho si Ruffy bilang isang service engineer sa isang electronic company at tanging mga kapwa OFW ang kasama sa loob ng mahigit isang dekada sa Dubai.
Madalas nang magkasakit si Ruffy tuwing Abril dahil sa pagpapalit ng panahon sa bansa. Pero nitong Abril 14, nagkaroon siya ng dry cough at kinakapos siya sa paghinga.
Malaking pagsubok nang malaman ni Ruffy na may COVID-19 siya, at hindi siya makapaniwala dahil wala naman siyang kilalang PUM o PUI na nakasalamuha at work from home ang ginagawa.
"Talagang nagdadasal na lang ako at that time. Talagang sabi ko kung 'Lord, kung bubuhayin Niyo pa ako, buhayin Niyo po ako. Pero kung hindi at nasa kalooban Niyo po ay Kayo na po ang bahala talaga,'" ani Ruffy.
"Pina-lying down lang talaga nila ako, for three days ganoon lang ang posisyon ko, naka-ventilator, naka-lying down. 'Yung 90% ng lungs mo wala na. Talagang umiiyak na lang ako kasi nag-iisa ka lang doon," kuwento niya.
"Titingnan ka na lang ng doktor o nurse kung buhay ka pa ba o ano nang nangyayari sa'yo. Sasaksakan ka na lang ng gamot, tapos iiwanan ka," dagdag pa niya.
Sa kaniyang "near-death experience," doon daw niya nakita ang kaniyang mga kamag-anak na pumanaw na.
"'Yung hallucination. Talagang naniniwala na ako diyan na may mga sundo pala tayo sa kabilang buhay. Talagang may lalabas nang liwanag na makikita mo na 'yung mga kamag-anak mo na 'yung mga kamag-anak mong namatay. Talagang kapag mamamatay ka, darating pala tayo sa point na 'yun," sabi ni Ruffy.
Pero dahil sa mga Pinoy health workers na nag-aasikaso at nagbigay sa kaniya ng pag-asa, lumakas si Ruffy.
Sa harap ng kaniyang pinagdaanan, walang kaalam-alam ang kaniyang pamilya sa Bulacan dahil hindi niya kayang humawak ng cellphone at hindi rin makagalaw.
Gayunman, may hinala na ang asawa ni Ruffy na tinamaan na siya ng COVID-19.
Matapos ang mga 10 araw, nakatawag na si Ruffy sa kaniyang pamilya, at muling nakita sa online ang kaniyang asawa at apat na anak.
Tunghayan ang buong kuwento ng pakikipaglaban ni Ruffy sa COVID-19 sa video. --FRJ, GMA News