Ang unang inakalang dismenoreya o pananakit ng puson, senyales na pala ng nagle-labor. Hindi ito kaagad nalaman ng isang ginang dahil sa kaniyang kondisyon na polycystic ovary syndrome o PCOS.
Kuwento ng mag-asawang Pia at Jonathan Rapusas, pitong taon na silang nagsasama at pitong taon na rin nilang ipinagdarasal na mabiyayaan na sana sila ng supling.
Pero dahil sa may PCOS si Pia na nakakaapekto sa hormone ng babae, hindi naging madali ang kanilang pinapangarap na anak.
Ngunit nitong nakaraang May 6, nakaramdam ng pananakit ng puson si Pia, na inakala niyang dismenoreya lang, normal sa isang may PCOS na hindi rin regular ang buwanang "dalaw."
Nang hindi pa bumubuti ang kaniyang pakiramdam noong May 8, naisipan ni Pia na mag-pregnancy test kit at laking tuwa niya nang malaman positive ang resulta.
Nang araw din na iyon, naglakas-loob silang magtungo sa ospital para magpa-check-up. Ngunit ang inakalang regular lang na check-up kung saan bibigyan sila ng mga payo at gamot para mapangalagaan ang baby sa sinapupunan, mauuwi na pala sa pagluluwal ni Pia.
Nang sandaling iyon, kabuwanan na ni Pia at ang nararamdaman niya sa katawan ay indikasyon nang pagle-labor na.
"Lumapit na 'yung pinaka-head ng OB, sinabihan kami, 'Manganganak ka, nagle-labor ka," kuwento ni Pia.
Kaya ang araw na inakalang simpleng check-up lang, ang araw na katuparan ng kaniyang ipinadarasal--ang pagdating sa buhay nila sa supling na si Baby Isaiah.
"What a day talaga. Nung gabing iyon nag-uusap lang kaming mag-asawa, "Totoo ba 'to, panaginip ba to?," saad ni Pia.
Ayon kay Dra. Rebecca Singson, Obstetrician-gynecologist, cryptic pregnancy ang naranasan ni Pia, na hindi namamalayan ng isang babae na buntis siya.
Kadalasan daw itong nangyayari sa mga may PCOS.
"Kasi ang mga PCOS [patient] talagang hindi sila nag-o-ovulate, so hindi sila nagme-menstruate nang regular. Kasi sanay na sanay kang walang menstruation kaya hindi mo iniisip na pregnant ka," paliwanag niya.
"Wala silang diziziness, wala silang prenancy symptoms kaya hindi din nila nade-detect," dagdag niya.
Mapalad sina Pia at Jonathan, dahil naging maayos ang kalagayan ng kanilang sanggol. Karaniwang daw kasing 15 porsiyento ng mga isinilang sa ganitong sitwasyon ay hindi pinapalad na mabuhay ang bata.
Kaya naman itinuring mag-asawa na miracle baby si Isaiah.
"Parang akala mo walang ginagawa si Lord, pero mayroon," patungkol ni Pia sa mahabang paghihintay nila noon na magkaanak.
"Wow talaga. Ang galing ni Lord. All glory to Him this miracle sa buhay naming mag-asawa," dagdag niya.
Tunghayan ang buong kuwentong ito sa GMA News Cover Stories.
--FRJ, GMA News