Mga nurse silang umalis ng Pilipinas pero karaniwang trabaho tulad ng pagiging domestic helper, parlorista, waiter, o babysitter, ang kanilang binagsakan sa Espanya. Pero nang sumiklab ang "digmaan" sa COVID-19 at kinailangan ng bansa ang dagdag na mga "sundalong" nakaputi, hindi nag-alinlangang tumulong ang ating mga kababayan. Alamin ang nakaantig at nakaka-proud nilang kuwento.
Kabilang si Cathelyn Dela Cruz, sa maraming Pinoy nurse sa Pilipinas na nangibang-bansa sa Espanya. Pero dahil marami at mahal ang mga rekisito para maging nurse din sa Espanya, napipilitan silang pumasok sa mga karaniwang trabaho na pinabagsakan doon ng mga Pinoy--ang maging domestic helper, waiter, babysitter, caregiver at iba pa.
Sa kuwentong "Frontliners" ng GMA Public Affairs, sinabing taong 2006 nang maging lisensyadong nurse si Cathelyn sa Pilipinas, pero nangibang-bansa na siya matapos ang limang buwan na pagseserbisyo.
Nagtrabaho muna siya sa Singapore at pagkaraan ng ilang taon ay nagpakasal sa nobyong nagtatrabaho naman sa Espanya. Para hindi sila magkalayo, pinili na rin ni Cathelyn na sa Spain na rin manirahan at magtrabaho noong 2011.
Gayunman, naging mahirap ang kalagayan niya roon kahit meron siyang lisensya at isang registered nurse sa Pilipinas. Para maging nurse sa Spain, kailangan niyang kumuha ng certificate of recognition at mag-aral para ma-validate ang kaniyang mga papeles, na kakailanganin ng napakalaking halaga kaya hindi na niya itinuloy.
Dahil hindi nakapagtrabaho bilang nurse, nagtrabaho si Cathelyn bilang isang "limpieza" o tagalinis. Matapos ang limang buwan, nakahanap ulit siya ng panibagong trabaho na paglilinis at pagpa-plantsa naman.
Nakaipon sila ng kaniyang asawa kaya nagtayo sila ng beauty salon at restaurant sa Espanya. Gayunman, nananatili pa rin sa puso ni Cathelyn ang pagiging nurse.
"Sabi ko, hindi habang buhay magiging katulong ako sa Espanya... Sa kabila ng narating namin na ganoon [na may negosyo na], parang hindi ako masaya. Bilang nasa puso mo 'yung pagiging nurse, siyempre 'yun 'yung inaral mo noon, naging passion mo na 'yun sa buhay mo. So nasa isip ko pa rin na sana balang araw, maging nurse pa rin ako," sabi ni Cathelyn.
Hanggang sa Marso nitong taon, isa na ang Espanya sa mga nagkaroon ng pinakamataas na kaso ng COVID-19. Dahil dito, nangailangan ang gobyerno roon ng mga dagdag na nurse sa mga ospital.
Pinayagan ng bansa na kumuha ng mga tinatawag na "unrecognized Pinoy nurse" na katulad ni Cathelyn. At kahit delikado dahil sa dami ng COVID-19 cases sa Espanya, walang alinlangan na nag-apply si Cathelyn at ang iba pang katulad niya.
"Nandoon 'yung kaligayahan sa puso ko na makapagtrabaho bilang nurse. Siyempre lalo sa ibang bansa, proud na proud ako na bilang Pilipino," sabi ni Cathelyn, na sabik na muling makapagsuot ng puting uniporme.
Ngunit hindi naging biro ang lahat nang magkaroon ng COVID-19 ang tatlong nurse sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Cathelyn, at isa na siya roon.
"Nandoon 'yung kalungkutan ko na paano kung hindi na ako makabalik sa amin. Nasasaktan 'yung damdamin ko, nandoon 'yung takot ko na, paano kung hindi ko na sila makita? Paano kung nasa ospital ako, hindi ko na siya makayanan?," kuwento.
Sa kabutihang palad, napagtagumpayan ni Cathelyn ang laban niya sa COVID-19.
"Noong mga panahon na 'yun na nahihirapan ako, wala akong anumang pagsisisi sa sarili ko kasi sabi ko, at least kung mamatay man ako, nagawa ko 'yung the best sa buhay ko," sabi ni Cathelyn.
Matapos ang dalawang linggo sa ospital at isang linggo sa bahay, gumaling at fully-recovered na si Cathelyn.
Tunghayan ang kuwento ni Cathelyn, pati na rin ang Pilipinong nurse na dating parlorista na tumulong sa kaniya at 20 pang unrecognized Pinoy nurses na muling makapagtrabaho.
Panoorin din ang kuwento ng babysitter na si Ghen Pajarillo, na natupad din ang kagustuhang makapagtrabaho bilang isang nurse. --FRJ, GMA News