Dahil nagbukas na ang ilang negosyo at balik na rin sa trabaho ang ilang manggagawa, hiniling sa pamahalaan ng isang gobernador na payagan nang bumiyahe na magkaangkas sa motorsiklo ang mga mag-asawa dahil limitado pa rin ang pampublikong transportasyon sa kaniyang lalawigan.
Ito ang laman ng sulat na ipinadala ni Cavite Governor Jonvic Remulla, kay Health Secretary Francisco Duque, tagapangulo ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.
"Ang nais ko po sanang idulog ay mapayagan ang back-riding sa kaso ng mga mag-asawa at nagsasama. Sila po ay natutulog sa iisang kama, kumakain sa iisang mesa, naghahati sa iisang mangkok ng kanin at nagpapasa ng ulam nang naka-kamay. Ganito po ang buhay dito at sa buong bansa," saad ni Remulla nitong Huwebes,
"Tama lang po sigurong payagan ang mag-asawa at mga nagsasama na sumakay sa iisang motorsiklo," patuloy niya.
Mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa, ipinagbawal na ang magkaangkas sa motorsiklo bilang bahagi ng pag-iingat upang maiwasan ang hawahan.
Kamakailan lang, ipinaalala ng mga opisyal na kahit niluwagan na ang community quarantine sa ilang lugar, nananatili ang pagbabawal sa magkaangkas sa motorsiklo kahit mag-asawa dahil maaaring gamitin itong palusot ng iba para magsakay nang hindi nila kaanak.
Pero ayon kay Remulla, maaari silang magbigay ng "couples pass" bilang katibayan na mag-asawa ang magkaangkas na bibiyahe sa trabaho o bibili ng mga kailangan sa bahay.
Maaari din naman umanong obligahin ang mag-asawa na magdala ng kanilang marriage contract kapag bumiyahe para maipakita sa quarantine control points.
Sabi ni Remulla, tinatayang nasa 400,000 ang motorsiklo sa kaniyang lalawigan bilang paraan ng transportasyon.
"Ito ang pangunahing paraan ng transportasyon sa aming lugar kung saan karamihan ay middle class. Araw-araw makikita mo silang paliko-liko sa kalsada, rumaragasa upang makarating sa mga pabrika at iba pang mga lugar na kanilang pinagtratrabahuhan," paliwanag niya.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ipauubaya na lang ng Palasyo sa IATF ang pakiusap ni Remulla.--FRJ,GMA News