Nabulabog ang isang tahimik na komunidad sa San Jose, California sa harap ng umiiral na community quarantine nang "lumusob" ang halos 200 kambing na nakalabas sa kanilang "kulungan."
Sa Twitter, ipinost ng residenteng si Zach Roelands ang video habang rumarampa sa kalsada ang mga kambing at ang iba naman ay nananalasa sa mga halamanan sa mga bakuran ng mga kabahayan.
Nagtulong-tulong naman ang ilang residente para maitaboy ang mga kambing at ibalik sa kanilang lugar. Pati ang isang aso, nakita na ring tumutulong sa pagtaboy sa napakaraming kambing.
"I’m dead," saad ni Roelands sa caption ng video. "When I got back from the store all the goats had broken through the fence and were recking havoc on our street."
Pahabol niya sa post, "This is the craziest thing to happen all quarantine."
I’m dead ?????? When I got back from the store all the goats had broken through the fence and were recking havoc on our street
— Zach Roelands (@zach_roelands) May 13, 2020
This is the craziest thing to happen all quarantine ???????????? pic.twitter.com/Hc7XpuiBdT
Kuwento niya sa USA Today, sadya raw dinadala ang mga kambing sa isang bahagi ng kabundukan na malapit sa komunidad para ipakain ang mga damo na kadalasang pinagmumulan ng sunog kapag natuyo.
May bakod naman daw ang mga kambing pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay naitumba raw ito ng mga kambing kaya nakapunta sa komunidad.
Maayos namang naibalik sa kanilang lugar ang mga kambing nang walang nasasaktan maliban sa mga halaman na nagutay matapos lantakan ng mga hayop.--FRJ, GMA News