Hindi man pagtuturo ang pinangarap niyang propesyon, niyakap na ni Teacher Edelmira Ingaen ang pagiging guro at tumagal siya ng apat na dekada. Kaya naman nitong Pasko, sinorpresa siya ng mga pasaway niyang estudyante noon, pero matagumpay na sa kani-kanilang karera ngayon.

Sa programang "IJuander," ikinuwento ni Teacher Edelmira o Teacher Ingaen na gusto niyang maging nurse noon, pero sa halip, naging guro siya sa Tenement Elementary School sa Taguig City.

Napamahal na siya sa mga bata at naturuan ang iba't ibang klase ng mga estudyante. Mayroon ding mga hindi nagpapakita ng galang pero para kay Teacher Edelmira, hindi sila masamang disiplinahin.

Bilang kaniyang parusa, pinatatayo sila ni Teacher Ingaen sa likod ng classroom o pinasasayaw sa harap ng klase.

Iba na ngayon ang style ni Teacher Ingaen na tumitigil sa pagtuturo kapag may pasaway na estudyante para makuha ang atensyon nila, at siya ang makikinig sa kanila.

Naging inspirasyon din si Teacher Ingaen ng ilan sa kaniyang mga estudyante, na sumunod sa kaniyang yapak at naging guro rin.

Bilang pasasalamat sa kaniyang mga aral at pagdisiplina, sinorpresa si Teacher Ingaen ng ilan sa mga pasaway niya noong estudyante nitong nakaraang Pasko. Nauwi ito sa isang madamdaming tagpo. â€”Jamil Santos/LDF, GMA News