Bumaba ang bilang mga Pinoy na walang trabaho noong Nobyembre 2024, kasabay ng pangangailangan sa mas maraming manggagawa tuwing "ber" months patungo sa holiday season, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules.

Sa press conference, sinabi ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, na umabot sa 1.66 milyon ang bilang ng mga walang trabaho na nasa edad 15 pataas. Mas mababa ito kumpara sa 1.97 milyon noong Oktubre 2024.

Kung ikukumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, bumaba rin ang bilang ng mga walang trabaho noong Nobyembre 2024 kumpara sa 1.83 milyon na naitala noong Nobyembre 2023.

Sa bilang ng 51.20 milyong Pilipino na nasa labor force na naghahanap ng trabaho at kabuhayan sa panahong nabanggit, bumaba sa 3.2% ang bilang ng mga walang trabaho noong Nobyembre, mas mababa kaysa sa 3.9% noong Oktubre 2024.

Samantala, tumaas naman ang bilang ng mga may trabaho sa 49.54 milyon noong Nobyembre 2024 mula sa 48.16 milyon noong Oktubre 2024. Pero bahagyang mas mababa ito kumpara sa 49.64 milyon noong Nobyembre 2023.

Katumbas ito ng pagtaas sa employment na 96.8%, na mas mataas sa 96.1%  noong Oktubre.

Iniuugnay ni Mapa ang magandang labor statistics sa seasonal demand sa mga manggagawa tuwing holiday season. Partikular umano rito ang mahigit 500,000 na pagtaas sa mga nakapasok sa accommodation at food service activities noong Nobyembre.

Ang top five na sub-sectors na may pinakamalaking taunang pagtaas ng mga empleyado noong Nobyembre 2024 ay nasa sumusunod sektor:

  •     Manufacturing - 784,000
  •     Accommodation and food service activities - 528,000
  •     Human health and social work activities - 303,000
  •     Other service activities - 239,000
  •     Transportation and storage - 190,000

Samantala, ang apat na sub-sectors na may pinakamalaking taunang pagbaba sa bilang ng mga empleyado ay nasa:

  •     Agriculture and forestry - 1.99 million
  •     Wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles - 327,000
  •     Fishing and aquaculture - 276,000
  •     Electricity, gas, steam and air conditioning supply - 35,000

Bumaba rin ang underemployment rate noong Nobyembre 2024 sa 10.8% mula sa 12.6% noong Oktubre 2024.

Sa kabuuan, 5.35 milyon sa 49.54 milyong employed individuals ang naghayag ng kagustuhan na magkaroon ng karagdagang oras sa trabaho o makakuha ng bagong trabaho na may mas mahahabang oras ng trabaho noong Nobyembre.

"Our labor market remains robust, with consistently high employment rates and reduced underemployment. The next step is to expand business and employment opportunities to enable more Filipinos to actively and productively contribute to the economy," ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan sa isang pahayag.

"Moreover, we will encourage business upgrading and skills training programs to ensure that these jobs offer competitive wages as our workers raise their productivity by developing their human capital," dagdag niya. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News