Kahit sanay na sa kaniyang trabaho bilang embalsamador ang Tiktoker na si Paolo Velasquez, hindi pa rin niya maiwasan na makaranas ng takot sa napili niyang propesyon.

"For example, there are things in our establishment, sa room ko mismo na nahuhulog. Then may instances din for example, 'yung CR namin sa office nagpa-flash mag-isa, ako lang mag-isa roon," kuwento ni Velasquez sa Unang Hirit.

"'Yung crew namin nandiyan, they know, they can attest to that," dagdag niya.

Ayon kay Velasquez, bata pa lamang siya, gusto na niyang maging isang embalsamador dahil ang negosyo ng kaniyang pamilya.

"I really like seeing the crew doing it. Accidentally po I went into a room, morge pala siya. I saw everything, ine-embalm na nila, doon na po nag-start lahat," anang Tiktoker.

Sa pag-eembalsamo, tatlo ang pinakamahihirap na kaso.

Una ang mga katawang nasa estado na ng decomposition dahil mahirap nang buuin ang kanilang mga katawan. Bukod dito, hindi na rin kaaya-aya sa morge kapag nasa loob ang mga ito.

Pangalawa ang mga naaksidente at mga biktima ng krimen, dahil hindi mabuo ang kanilang mga katawan.

Panghuli at pinakamahirap ang mga yumaong sanggol, dahil hindi pa malaki ang kanilang mga ugat at mahirap ang pagtusok.

"Akala po kasi nila, mayroong mga stigma na nakakatakot and madumi. But in reality, it's actually an exact science that we study and hindi po biro 'yung mga exam namin kasi may written, may actual," sabi ni Velasquez.
Naging licensed embalmer si Paolo noong 2008 at siya ang nanguna sa naturang pagsusulit.

Mayroon siya ngayon na mahigit 261,000 followers at 4.4 million likes sa TikTok.-- FRJ, GMA Integrated News