Ilang peligrosong sitwasyon ang nahuli-cam sa pananalasa ng bagyong "Kristine" na nagpalubog sa baha sa maraming lugar sa bansa. Alamin kung ano ang dapat gawin kapag naipit sa baha upang makaligtas.
Sa programang "Unang Hirit," ipinakita ang video ng isang lalaki na nakakapit sa isang puno sa gitna ng rumaragasang baha sa Nabua, Camarines Sur.
Umaga nang unang namataan ng mga residente ang lalaki sa naturang sitwasyon pero hindi siya kaagad mapuntahan dahil sa lakas ng agos ng baha.
Nailigtas naman ang naturang lalaki dakong 2:00 pm nang puntahan siya ng ilang kalalakihan sakay ng bangka.
BASAHIN: Lalaki, nahuli-cam na ilang oras nakakapit sa puno para 'di maanod ng baha sa CamSur
Napansin ni Captain Joebert Tolentino Jr., Chief, Training and Response Officer - Disaster and Emergency Responders International (DERIN), ang pagpapalit ng puwesto ng lalaki sa pagkakapit niya sa puno na nasa bahaging paharap sa agos ng tubig.
"Kasi ito yung bigat [ng agos] nasa kamay niya [sa pagkakapit sa puno," paliwanag ni Tolentino na maling posisyon.
Ayon sa eksperto, dapat na nanatili ang lalaki sa nauna niyang puwesto na nakatalikod sa hampas ng agos at nakayak siya sa puno.
"So tinutulak siya [ng agos] nung papunta doon sa puno so hindi siya masyadong mag-e-exert ng effort. Hindi siya kaagad mapapagod," paliwanag niya.
Bagaman nailigtas ang lalaki, sinabi ng eksperto na delikado ang posisyon niya dahil nakasalalay lang sa daliri ang puwersa niya.
Alamin naman ang payo ni Tolentino na dapat gawin kung mayroong grupo na kailangang tumawid sa rumaragasang baha. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News