Hinang-hina, dehydrated, at sunog ang balat sa pagkakabilad sa araw nang matagpuan ang isang mangingisda sa karagatan na bahagi ng Batanes. Ang lalaki, napag-alaman na 46 na araw na palang nawawala at mula pa sa lalawigan ng Quezon. Ano nga ba ang nangyari sa kaniya?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na July 28 nang pumalaot ang mangingisda na si Robin, kasama ang iba mangingisda.
Pakay nilang mangisda sa Pacific Ocean, at may kasama silang mas malaking barka na tinatawag na "mother boat."
Ayon sa asawa ni Robin na si Magdalena, karaniwang tumatagal sa laot ang kaniyang mister ng ilang linggo, na kung minsan ay inaabot pa ng buwan bago makauwi.
Pero nang bumalik ang grupo ng mga mangingisda noong August 7, nalaman ni Magdalena na nawawala ang kaniyang asawa at hindi nila ito makita sa dagat.
Napilitan na rin ang kapitan ng barko na bumalik na sa Quezon dahil may paparating na bagyo nang panahong iyon.
Hanggang sa ang mga araw na paghihintay ni Magdale sa pag-uwi ni Robin, inabot na mga linggo, mahigit isang buwan, at unti-unti na silang nawawalan ng pag-asa na makikita pa siyang muli.
Ngunit noong nakaraang Setyembre, nakatanggap sila ng balita na si Robin, natagpuang buhay sa kaniyang bangka sa karagatang sakop ng Itbayat sa Batanes, bagaman hinang-hina na.
Ayon sa mga bangkero, napansin nila sa dagat ang isang bangka na hindi umuusad at tila walang tao.
Kaya nilapitan nila ito at nakita si Robin na halos hindi na makabangon.
Patatalian sana nila ang bangka nito para mahila sa tabing-dagat pero bigla raw tumalon sa dagat si Robin papunta sa kanila.
Ngunit dahil wala nang lakas, kinailangan nilang sagipin si Robin, at dinala na sa ospital, kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Ano nga ba ang nangyari kay Robin at nawala siya sa laot? Paano siya nakaligtas sa kabila ng kawalan ng pagkain at maiinom na tubig? Tunghayan sa video ang kaniyang kuwento ng pananalig. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News