Beast mode na sa pagmamaneho ang isang tattoo artist dahil sa sakay niyang lolo na hindi niya kakilala pero na-stroke sa kalsada at kailangang madala kaagad sa ospital. Ang pagtulong ng lalaki sa matanda, may malalim na hugot pala tungkol sa kaniyang ama.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita sa video si Chris Mark Manipol o Mewo, na galit na sumisigaw sa ibang motorista para tumabi upang madala niya sa ospital si Lolo Arturo na inatake sa gilid ng daan sa Bacoor, Cavite.

Hindi kilala ni Mewo si Lolo Arturo at nadaanan lang niya nang magpunta siya sa Bacoor para sa isang trabaho.

Pero nang nakita niya na nagkakagulo na ang mga kaanak ni Lolo Arturo na inatake habang nakaupo sa gilid ng daan, inalok na niya ang kaniyang sasakyan para madala sa ospital.

Kuwento ni Mewo, nagagalit at napapasigaw siya habang nagmamaneho dahil may ibang motorista na ayaw tumabi upang makalusot siya dahil nangangamba siya na hindi na umabot nang buhay si Lolo Arturo sa ospital.

Ayon kay Mewo, nang araw na tulungan niya si Lolo Arturo, wala sa isip niya kung kakilala man niya ito o hindi. Basta ang nasa isip niya ay maisalba niya ang buhay nito.

Kuwento ni Mewo, namatay din sa atake ang kaniyang ama habang nasa bahay nila at wala siyang nagawa noon upang masagip ang buhay nito.

Pagbahagi pa Mewo, hindi naging maganda ang relasyon niya noon sa kaniyang ama na nalulong sa alak. Pero sa paglipas ng panahon, nagbago rin ang kaniyang ama at umayos ang kanilang relasyon.

Ngunit ang panghihinayang niya, kung kailan nagbago na ang kaniyang ama, doon naman ito inatake at nawala sa kanilang buhay.

Kaya naman aminado si Mewo na nakakaramdam siya ng kakulangan ng kalinga ng ama.

Samantala, nakarating naman sa ospital si Mewo pagkaraan ng 10 minuto, at nagtagumpay siyang maisalba ang buhay ni Lolo Arturo.

Kuwento ni Lolo Arturo, bukod sa dinala siya ni Melo sa ospital, nag-iwan pa umano ang kaniyang tagapagligtas ng pera sa kaniyang asawa kaya labis ang kanilang pasasalamat.

Nang malaman ni Mewo na nakalabas na ng ospital si Lolo Arturo, pinuntahan niya ito sa bahay at may dala pa siyang mga regalo. Tunghayan ang pagkikita ng dalawa at alamin kung ano nga ba ang nangyaring atake kay Lolo Arturo. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News