Malamang na mapa-sana all ang mga mahilig sa fresh seafood, partikular sa shellfish, kapag nalaman nila na isang isla sa Iloilo ang mayaman sa scallops na nabibili ang bawat piraso sa halagang P1 hanggang P2 depende sa laki.
Sa isang episode ng "Dapat Alam Mo," tinawag na Scallops Island ang Barangay Gabi sa Isla Gigantes sa Carles, Iloilo, dahil sa dami ng nakukuhang scallops sa bahagi ng karagatan nito.
Ayon sa punong barangay, mahigit tatlong dekada nang naging kabuhayan ng mga tao roon ang maninisid ng scallops kaya natakpan na ng mga kabibe na pinagkunan ng laman ng scallops ang kanilang dalampasigan.
Si Jerny Alolor, mahigit isang dekada nang sumisid ng scallops para masuportahan ang kaniyang pamilya.
Karaniwang isinasagawa nila ang mano-manong pagsisid at pamumulot ng scallops sa ilalim ng dagat ng 8 am at tumatagal lang ng dalawang oras.
Limang tao ang kadalasang kasama sa isang bangka, na tatlo ang sisisid at dalawa ang maiiwan sa ibabaw para magbantay sa ginagamit nilang compressor sa pagsisid.
Kung limang oras silang sisisid, kaya umano nilang punuin ang limang bag na ginawa mula sa lambat.
Ang bawat bag, naibebenta nila ng P1,300 hanggang P1,500.
Ayon kay Jerny, kung makapagbebenta sila ng limang bag at aalisin ang mga ginastos nila sa pagpalaot, makakapag-uwi sila sa pamilya ng tig-P500 hanggang P600 sa isang araw.
Ang mga scallops, ibinibenta naman bilang pagkain ni Rena Jane Billiones, sa halagang P1 hanggang P2 bawat piraso depende sa laki.
"Niluluto po siya agad, ilalagay lang sa kawali (matapos linisan at hugasan) at saka nilalagyan ng asin kasi fresh naman po ang scallops," saad niya.
Ang mga scallop na hindi nabili at hindi pa luto, tinatanggalan ng laman na gagawing frozen o dried para hindi masira at maibenta.
Ang mga kabibe na pinagkunan ng scallops, madadagdagan sa tambak ng shell sa isla na abot na raw sa tatlong metro ang taas.
Ayon kay Mateo Solon Jr., na punong barangay sa isla, natatambak ang mga shell dahil walang bumibili nito sa kanila. Aabot na raw sa dalawang hektarya ang lapad nito.
Subalit kung dati ay nakakakuha ng higit 30 kilo ng scallops ang kada grupo ng mangingisda, ngayon ay nasa halos limang kilo na lang.
Ano kaya ang hakbang na kanilang ginagawa sa isla para hindi tuluyang maubos ang scallops sa kanilang lugar? At ano ang peligro sa mga tao sa ginagawang pagtatambak nila ng kabibe at papaano nila mapapakinabangan ang mga shell? Panoorin sa video ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News