Dahil sa tuklaw umano ng isang kobra, tumirik na ang mga mata at umurong na ang dila ng isang babaeng walong-taong-gulang sa Baybay, Leyte. Pero sa halip na sa ospital, sa isang simbahan siya dinala ng kaniyang ina para i-pray-over upang masagip ang kaniyang buhay mula sa nakaambang kamatayan.
Kuwento ni Neneta Saz sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," naglalaro noon sa labas ng kanilang bahay nitong nakaraang buwan ang kaniyang anak na si Elna.
At nang damputin umano ng bata ang nalaglag na pinaglalaruan, naramdaman nito na may kumagat sa kaniyang kamay.
Bagaman hindi nakita ni Elna kung ano ang kumagat sa kaniya, pinaghinalaan ni Neneta na ang kobra na dati na niyang nakitang umaaligid sa kanilang bahay ang nakatuklaw sa kaniyang anak.
Hindi nagtagal, uminit na umano at sumama na ang pakiramdam ni Elna at lumiit na ang mga mata. Pero sa halip na isugod niya sa ospital ang anak para mabigyan ng anti-venom, sa kanilang simbahan na ministry dinala ang bata.
Sa harap ng mga nag-aalalang tinig dahil tila nag-aagaw-buhay na si Elna, dinasalan siya ng host preacher na si Babbie Lubiano, ng Jesus Miracle Crusade International Ministry.
Habang umuusal ng dasal si Babbie, nakapatong ang kaniyang kamay sa ulo ng bata para utusan ang "demonyong lason" na lumabas sa katawan ni Elna.
Sa aktuwal na video na kuha nang isugod si Elna sa simbahan, bahagyan bumuti ang sitwasyon ng bata sa unang bugso ng pagdarasal sa kaniya.
Ayon kay Babbie, may nakita silang bula sa bibig ni Elna na posible umanong lason na nais nitong iluwa. Pero muling nagkagulo ang lahat nang tila maghingalong muli ang bata.
Sinabi ni Babbie na sa pagkakataong iyon ay lalo pang tumindi ang kanilang pagdarasal at sama-sama na. Pagkalipas pa ng ilang saglit, naitaas na ni Elna ang isa niyang kamay at nagsambit ng "hellelujah."
Ayon kay Neneta, unti-unting gumaling ang kaniyang anak, at ngayon ay mabuti na ang kalagayan nito at nakapaglalaro na nang muli.
Bagaman may nagdududa kung kobra ba talaga ang nakatuklaw kay Elna, sinabi niya na kamakailan lang ay nakita nilang muli ang ahas sa kanilang bahay at nakuhanan nila ito ng video.
Tinangga nina Babbie na tulungan sina Elna na mahuli ang kobra pero nakakawala pa rin ang ahas.
Tumanggi na rin si Elna na ipasuri sa duktor ang anak dahil tiwala siya sa napangaling na ng dasal si Elna.
Hindi rin lang daw iyon ang unang pagkakataon na may gumaling sa kanila dahil sa dasal sa kanilang simbahan.
Pero isa nga bang makamandag na kobra ang nakita sa bahay ni Neneta, at puwede nga bang makaligtas ang isang tao mula sa tuklaw ng isang makamandag na ahas kahit walang inilalagay na gamot o pangontra sa lason sa kaniyang katawan?
Alamin ang paliwanag ng mga eksperto. Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News